Quantcast
Channel: Pher Pasion – Pinoy Weekly
Viewing all 56 articles
Browse latest View live

Serbisyong ginawang negosyo

$
0
0

Lumakas ang impluwensiya ng mga korporasyon sa pampublikong edukasyon sa bansa. Ito ang lumabas sa pag-aaral na kinumisyon ng Education International na isinagawa ni Curtis Riep sa Pilipinas.

Nangyayari na umano ito sa ibang mga bansa at malinaw na tinatahak na ito ng Pilipinas na pinahihintulutan mismo ng gobyerno na operasyon ng mga ito. Ang mas malala, dito na pupunta ang bilyung-bilyong pisong pondo ng gobyerno.

Korporatisasyon

Nabigo ang nagdaang mga rehimen na punan ang mga kakulangan sa sektor ng edukasyon gaya ng mga klasrum, upuan, libro, guro, at maging ng mga paaralan, nagbubukas ng oportunidad ito para sa mga pribadong sektor na pasukin o pagkakitaan ang edukasyon.

Mas pinalala pa ito ng implementasyon ng programang K-to-12 na pinasimulan ng nagdaang rehimeng Aquino kahit walang kahandaang ipinatupad. Ang resulta, inaasa ito sa pribadong mga nagmamay-ari ng paaralan sa pamamagitan ng voucher system ang kakulangan ng gobyerno para pagkakitaan.

Kaya naman sa pambansang badyet ng 2017, tinatayang aabot sa P23.9-Bilyon ang pondong mapupunta sa pribadong sektor sa pamamagitan ng voucher system para sa senior high school mula sa P567.5-B pondong ilalaan sa sektor ng edukasyon. Mas doble ito mula sa P12-B pondong inilaan ngayong 2016.

Isa sa mga nakikinabang dito ang Affordable Private Education Center o APEC Schools na itinatayo ng Ayala Corp. at ng Pearson International Education Company. Ang 60 porsiyento nito’y pinagmamay-arian ng Ayala at 40 porsiyento naman ang sa Pearson.

Abril 24, 2013 nang makaroon ang mga kompanyang ito ng memorandum of agreement sa Department of Education (DepEd). Bahagi ito ng Private-Public Partnership ng dating rehimeng Aquino.

Tinatayang aabot sa P19,000 hanggang P32,000 kada taon, depende sa grade at lokasyon sa paaralan, ang gagastusin ng isang pamilya para sa matrikula. Para sa isang pamilya na hindi mahirap, aabot ito sa 17 hanggang 30 porsiyento ng kanilang taunang income.

Pero ayon sa pag-aaral ni Riep, wala sa standard ang pagpapatakbo ng APEC Schools. Nasa 70 porsiyento ng mga guro nito ang hindi lisensiyado, hindi angkop ang mga paaralan na nirentahan lang sa komersiyal na mga gusali, at scripted umano ang kurikulum na itinuturo sa mga mag-aaral.

“Bakit pinayagan ang APEC na mag-operate ang kanilang edukasyong pangnegosyo kung hindi sila sumusunod sa standards?” tanong ni Riep. Sa kabila nito, nais pang palawakin ng DepEd ang sakop ng voucher system at ang PPP sa edukasyon.

Itinutulak ng DepEd ang mga solusyong na nakaayon sa merkado sa halip na magtayo ng mas maraming paaralan ng gobyerno, ayon kay Riep.

Banta sa sistema

Para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), malaking banta sa sistema ng edukasyon ang pagpapahintulot sa mga institusyong tulad ng APEC Schools sa Pilipinas.

Malinaw umano na isang porma ng korporatisasyon at komersalisasyon ng edukasyon ang umiiral sa sistema ng edukasyon sa bansa na pinahihintulutan ng mismong gobyerno.

Bukod pa rito, layon din nito na magluwal ng semi-skilled na mga manggagawa para pagkunan ng balon ng mga murang lakas-paggawa.

Higit na kailangan umano ang mas mataas na badyet para sa edukasyon upang maisakatuparan ng gobyerno ang Konstitusyunal na mandato nito na magbigay ng libre at kalidad na edukasyon para sa mga mamamayang Pilipino.


 


Pandarahas at paglaban sa Hacienda Luisita

$
0
0

“Ayaw ko (sanang) magpa-interview, dahil para akong nauubos na kandila. Pinakukuwento ninyo sa akin. Masakit. Masakit sa dibdib.”

Ito ang mga salitang sumasabay sa mga luha ni Violeta Basilio, 49, ina ng isa sa mga martir ng masaker sa Hacienda Luisita na si Jhavie Basilio, 20. Pero sinikap pa rin niyang ikuwento ang sinapit nang nag-iisa niyang anak na lalaki 12-taon na ang nakakaraan. Bawat pakikipanayam, pagbubukas ng sugat. Masakit pa rin, marahil dahil paghahanap pa rin siya — at maraming iba pa — ng hustisya.

Nananatili ang sugat sa mga mamamayan sa loob ng 6,453 ektaryang Hacienda Luisita sa Tarlac. Patuloy ang pag-aangkin at pandarahas ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Pero patuloy pa rin ang paglaban.

Labindalawang taon na ang nagdaan, pero tumatangis pa rin si Violeta. <b>Pher Pasion</b>

Labindalawang taon na ang nagdaan, pero tumatangis pa rin si Violeta. Pher Pasion

Gunita ng isang ina

Nang makapanayam ng Pinoy Weekly, ipinakita ni Violeta ang mga larawan ng anak niya. Larawan ito ni Jhavie nang maabutan ng ina ang labi ng anak sa punerarya. Iningatan niya ang mga larawan dahil siya lang ang may kopya nito.

“Nung makita ko nang nakaratay siya sa Ilagan (punerarya), hindi ko alam kung paano ko hahaplusin ang anak ko. Kitang-kita ko ang hirap niya,” ani Violeta.

Sabi ng mga saksi, buhay pa si Jhavie matapos tamaan ng bala sa hita. Pero binugbog muna siya nang damputin ng mga pulis at militar — at saka isinabit sa barbed wire at binaril sa dibdib.

“Yung mukha (niya), maraming pasa hanggang sa likod. Makikita mo, bugbog talaga siya,” ani Violeta.

Nagtatrabaho sa umaga si Jhavie sa asukarera sa Luisita sa umaga bago pumapasok sa kolehiyo sa gabi. Bago ang masaker, may ibang ikinabubuhay noon si Violeta. Ngayon, miyembro siya ng Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (Ambala). Siya rin ang pangalawang tagapangulo ng Anakpawis Party-list sa loob ng asyenda.

Ang masaker

Nobyembre 6, 2004 nang iputok ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (Catlu) at United Luisita Workers’ Union (ULWU) ang welga upang igiit ang kanilang karapatan sa araw ng trabaho at dagdag sa kanilang sahod. Umaabot lang kasi sa P9.50 kada linggo ang naiuuwi nilang sahod.

Dalawang beses ding tinangkang buwagin ang piketlayn sa Gate 1 ng Central Azucarera de Tarlac noong Nobyembre 6 at 8. Pero hindi sila natinag.

Pero hapon ng Nobyembre 16, 2004, tinangkang buwagin ang piketlayn ng pinagsamang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Hindi muli nayanig ang welga. Dito na nagsimulang umuulan ng bala. Nasa pito ang agad na napatay: Juancho Sanchez, Jaime Pastidio, Jesus Laza, Adriano Caballero, Jessie Valdez, Jun David, at si Jhavie.

Sinasabi ng mga saksi na mayroon pang mga bangkay na ipinasok sa azucarera na sinunog at hindi na natagpuan. Daan-daan din ang sugatan. Daan-daan pa ang ikinulong.

Kung PNP ang paniniwalaan, nagmula raw sa mga nagwewelga ang putok. May mga miyembro raw ng New People’s Army sa mga welgista. Maging ang pamilyang Cojuangco-Aquino, sinabing pakana lang daw ng mga komunista ang kaguluhan. Pero malinaw sa lahat ng dokumentasyon: sa pulis at militar nanggaling ang mga putok.

Matapos ang masaker, pinagpapatay din ang mga lider ng mga mangagawang-bukid at tagasuporta nila.

Rey Ocampo, 55, nakatakas sa masaker. Hanggang ngayon, saksi at nakakaranas pa rin ng panggigipit ng pamilyang Cojuangco-Aquino. <b>Pher Pasion</b>

Rey Ocampo, 55, nakatakas sa masaker. Hanggang ngayon, saksi at nakakaranas pa rin ng panggigipit ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Pher Pasion

Bangis ni Noynoy

Sa pagkakaupo ni Benigno Aquino III bilang Pangulo noong 2010, ibayong hirap ang kinaharap ng mga mamamayan doon.

Sa kabila ng pagpabor ng Korte Suprema sa ilalim ni Chief Justice Renato Corona na dapat nang ipamahagi sa mga magbubukid, hindi ito naisakatuparan.

Sa ilalim ni Aquino, bogus ang pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng sistemang tambiolo. “Kung taga-Balete ka, tapos ang makukuha mong lupa ay sa Brgy. Mutrico pa. Ang layo noon. Tapos ang ibibigay sa iyo, hindi pa titulo. Certificate lang na xerox. Kailangan mo pang bayaran bago mapunta sa iyo,” ani Violeta.

Kaya napipilitang isangla ng mga benepisaryo ang kopya na Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Kadalasang tao ng mga Cojuangco-Aquino ang pinagsasanglaan.

Ang higit na masakit sa sistemang ito, kung sino pa ang tunay na mga benepisaryo, sila ang wala sa listahan at hindi kasama para makatanggap ng CLOA.

“Yung tatay ko, dito na ipinanganak, kasama niya ang lolo ko na naglinis ng lupa para tamnan. Matagal na nagtatrabaho ako rito sa asyenda. Pero wala sa master’s list ako, kasi lumalaban kami,” ani Rey Ocampo, 55, ng Brgy. Mapalacsiao.

Sinimulan din ang paglalagay ng bakod sa mga lupain ng Luisita na inaangkin ng RCBC at Tarlac Development Corp. sa Brgy. Balete. Isa sa pinakamasakit na nangyari ang paninira sa kanilang pananim. Pinagsusunog din ang mga kubo ng mga magsasaka.

Sa araw pa mismo ng inagurasyon ni Pangulong Duterte, nanira ng pananim ng mga magsasaka ang mga tauhan umano ng mga Cojuangco-Aquino.

Suporta, paglaban

Malinaw sa mga taga- Luisita kung kanino naglilingkod ang pulis at militar.

Ipinakita ni Violeta ang lawak ng pananim na sinira at binuldoser. Aniya, nag-spray ng kemikal na pagpatay sa kanilang pananim ang mga tauhan ng mga Cojuangco- Aquino.

“Nangungutang lang kami para sa ganoo’y may gugugulin kami sa bukid. Kapag sinira iyon, magtatanim na naman kami. Mangungutang. Kaya nahuhukay kami sa utang,” ani Violeta.

Pero sa halip na panghinaan, lalong nagkakalakas-loob ang mga mamamayan na lumaban. Mula sa usapin sa sahod, naiangat ang kanilang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Taong 2005, kolektibo na nilang inokupahan ang mga lupain para tamnan ito.

Sa kabila ng mga panghaharas sa kanila, matagumpay na naipagpa-patuloy ang pagtatanim.

Gayumpaman, malaking hamon pa rin ang kinaharap nila. Ikinagalak nila ang pagkakatalaga niya kay Rafael Mariano bilang Kalihim ng Department of Agrarian Reform. Nagkaroon umano sila ng paghinga sa pagtatanim.

“Nakapagpalusot kami ng isang ani mula nang maupo si Ka Paeng (Mariano) at walang nanira ng aming pananim. Pero malaki pa rin ang binabayaran namin sa mga sinirang tanim. Sana maalis na rin ang mga militar at Cafgu,” ani Violeta.

Para naman kay Francisco Dizon, 47, opisyal ng Ambala, bagamat nagagawa na nilang magsaka sa lupa, hindi pa nila maitodo ang potensiyal ng matabang lupa dahil sa kakulangan ng kapital para sa binhi, abono, patubig, at ibang gamit.

Nagsisikap man ang kanilang organisasyon na punan ang pangangailangan, sadyang kinakailangan nila ang malaking suporta. Ang laki ng Luisita’y tinatayang katumbas na pinasamang laki ng mga lungsod ng Makati at Maynila, at ng Ortigas Avenue.

Tuloy pa rin

Masasabing may katahimikan ngayon sa Luisita mula nang maupo si Duterte. Pero hindi masasabing mapayapa na rito.

Sa isang lipunang malapiyudal na nanatili ang tunggalian sa pagitan ng panginoong maylupa at uring magsasaka, tiyak na gagawa ng hakbang ang mga katulad ng mga Cojuangco-Aquino para mapanatili sa kanila ang lupain ng asyenda na pinagmumulan ng kanilang kapangyarihang pampulitika.

Para sa mga gaya nina Violeta, Rey, Francisco, at iba pang nakikibakang mamamayan sa asyenda, hindi lalaya ang uring magsasaka sa Pilipinas hangga’t hindi lumalaya ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Ang lahat ng nangyayari sa mga magsasaka sa buong bansa ay nangyayari sa Hacienda Luisita— pandarahas, pamamaslang, pananakot, pangangamkam at, higit sa lahat, ang nagpapatuloy na pagkakaisa at hindi magagaping layuning magtagumpay.


 

Sistemang pangkalusugan sa Cuba, hamon sa mga Pilipino

$
0
0

Kung sa sosyalistang bansa gaya ng Cuba ka tamaan ng sakit, maaaring katakutan mo ang sakit dala ng tusok ng karayom pero hindi kailanman ang babayaran dito.

Maliban sa libre ang pagpapagamot sa bansang ito, libre rin ang konsultasyon sa mga doktor, at iba pang serbisyong medikal. Malayung-malayo sa sistema ng Pilipinas at Estados Unidos (US).

Ilan lang ito sa mga tinatamasa ng mga Cubano pagdating sa serbisyong panlipunan, kuwento ni Ibete Fernandez-Hernandez, embahador ng Cuba sa Asya, sa isang porum sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila na katuwang na inorganisa ng Health Alliance for National Democracy (HEAD).

Kalusugan sa Cuba

Bagamat naging mahirap sa Cuba ang ipinataw na embargo ng US sa loob ng 56 taon, hindi naging imposible sa kanila ang pagtayo sa sariling paa at magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan nito.

Katunayan, isa ang Cuba sa pinakaabante pagdating sa pag-aaral sa kalusugan at may pinakamataas na literacy rate (99.8 porsiyento) sa Latin Amerika.

Nagsimula ang Cuba, matapos ang kanilang rebolusyon noong 1959, sa tatlong unibersidad, iisang paaralan sa medisina, at nasa 6,286 na mga doktor sa mga siyudad lamang. Nasa 60×1000 ang kanilang infant mortality rate. Nasa 40 porsiyento lang ang literacy rate.

Sa kasalukuyan, mayroon na silang 500,294 manggagawang pangkalusugan sa 451 polyclinics, 151,462 pampublikong ospital na may 45,000 higaan, 138 maternity homes na may 3,000 higaan, 589,247 elders home, 143 nursing homes na may 13,533 higaan, at 13 research institute.

“Mayroon kaming istruktura sa aming bansa, na gumagawa ng community work kasama ang doktor at nars ng pamilya,” ani Hernandez. Ito ang pumupunta sa mga tahanan ng mga Cubano para regular na check-up sa mga mamamayan.

Mayroon din silang isang doktor para sa 160 indibidwal, isang dentista para 671 indibidwal, isang nars para sa 123 indibidwal. Ang kanilang infant mortality rate ay 4.2 per life births na lamang, at 99.9 na porsiyento ng panganganak ay isinasagawa sa mga ospital.

“Hindi dapat matakot. Kung nais talaga ng pagbabago, kailangan ng radikal na pagbabago at kailangan talaga gawin ito base sa kondisyon ng inyong bansa,” ani Hernandez.

Hamon sa Pilipinas

Mahalaga ang papel ng political will sa paghuhubog sa kahit anumang pag-unlad lalo na kung para sa taumbayan. Nagawa ito ng Cuba ng kanilang mapagtagumpayan ang kanilang rebolusyon sa kanilang sariling pagpapasya na walang dayuhang bansa na nagdidikta sa kanila.

“Ang sistemang kalusugan ay naka-angkla sa isang sistemang tunay na malaya at demokratiko. Hindi ka puwedeng magkaroon ng mataas na antas na kalusugan kung ang lipunan mismo ay hindi malaya o malakolonya ng ibang bansa,” ani Gene Nisperos, doktor at bise-presidente ng HEAD.

Maganda ang layunin ng administrasyong Duterte na tahakin ang independent foreign policy, pero wala namang pinagbago sa nais tahakin ng health agenda ng administrasyon na naglalaman ng neoliberal na mga polisiya ng nagdaang mga administrasyon.

Kaya hamon ito sa administrasyon na isakonkreto ang isang sistemang pangkalusugan na malaya at demokratiko.


 

Biktima ng Yolanda’t gobyerno, naniningil

$
0
0

Mahigit tatlong taong hirap at nagtitiis ang mga biktima ng bagyong Yolanda matapos itong manalasa sa Eastern Visayas noong Nob. 8, 2013. Ibayong pagdurusa pa ang kanilang naranasan sa panunungkulan ng dating administrasyong Aquino.

Sa ilalim ngayon ng gobyernong Duterte sila maniningil ng hustisya mula sa kriminal na kapabayaan ng nagdaang rehimen. Sa kanilang pagtulak sa Maynila mula Eastern Visayas nais nilang ihatid sa publiko na nananatili ang kahirapang ito dulot ng bagyong Yolanda at patuloy na kabagalan ng gobyerno sa pagtulong sa kanila.

“Yung pinakakampanya namin patuloy na kagutuman at militarisasyon sa Eastern Visayas. Hanggang ngayon, naroon pa rin ang kakulangan ng tulong ng gobyerno. Ang kriminal na kapabayaa’y hindi pa natutugunan at papanagutin ang dating administrasyon,” ani Efleda Bautista, tagapangulo ng People Surge, organisasyon ng mga biktima ng bagyong Yolanda.

Isa ang bagyong Yolanda sa pinakamalakas na bagyong nanalasa sa kasaysayan ng Pilipinas. Ayon sa Ibon Foundation, grupo ng mga mananaliksik, tinatayang 19,000 ang namatay at nawawala, nasa 28,690 ang sugatan, at 4,095,280 ang nawalan ng tirahan. Apektado ang 16.1 milyong mamamayan sa anim na rehiyon. Umaabot sa P39.8 Bilyong halaga ng mga inprastraktura at agrikultura ang nasira.

Piket ng mga survivor ng Yolanda malapit sa bahay ng mga Aquino para igiit ang pananagutan ni dating pangulong Benigno Aquino III sa pagpapabaya sa kanilang mga biktima. <b>Pher Pasion</b>

Piket ng mga survivor ng Yolanda malapit sa bahay ng mga Aquino para igiit ang pananagutan ni dating pangulong Benigno Aquino III sa pagpapabaya sa kanilang mga biktima. Pher Pasion

Kabagalan o kapabayaan?

Naging saksi ang marami sa kabagalan ng dating rehimeng Aquino sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Sa kabila nang pagsasabi nito dati na handa ang gobyerno sa magiging epekto ng bagyo, kabaliktaran ang nangyari at nauwi pa nga ito sa pamumulitika.

Sa kabila ng mga donasyon sa loob at labas ng bansa gayundin ang pondong inilabas ng gobyerno para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, tila hindi pa rin malinaw kung saan napunta o napupunta ang perang ito.

Sa pag-aaral ng Ibon sa datos mula sa gobyerno, halimbawa ang National Economic Development Authority (NEDA), nasa P144.4-B ang alokasyong ng gobyerno para sa rehabilitasyon, rekonstruksiyon, at ayuda para sa Yolanda hanggang Hunyo 2016. Bagamat nailabas na ang 71 porsiyento nito, nasa 53.4 porsiyento pa lamang ang nadi-disbursed ng mga ahensiya ng gobyerno. Nasa 40 porsiyento lamang ang kabuuang nagawa or pisikal na nakumpletong mga proyekto mula sa pondong inilabas, nasa 27.7 porsiyento naman ang kasalukuyang isinasagawa, at 33 porsiyento ang hindi pa rin nasisimulan.

Mababa din ang kabuuang antas na nagawa ang mga ahensiyang nakatalaga para sa pagpapatupad ng pundamental na kailangan ng mga biktima gaya ng pabahay, pagkain, kabuhayan, at tubig. Lumalabas sa ulat ng Department of Budget and Management (DBM) na nasa 12.3 porsiyento pa lamang ang kabuuang nagagawa ng Ang National Housing Authority (NHA) na nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon na P39.2-B. Nasa 45 porsiyento ang kasalukuyang isinasakatuparan at 42.6 porsiyento naman ang hindi pa nasisimulan.

Nasa 14.1 porsiyento lamang ang kabuuang nagagawa ng Department of Agriculture na nakatanggap ng P1.2-B alokasyon. Nasa 11.6 ang kasalukuyang isinasakatuparan at 74.3 porsiyento naman ang hindi pa nasisimulan. Nasa 2.9 porsiyento lamang ang kabuuang nagagawa ng Local Water Utilities Administration, nasa 2.5 ang kasalukuyang isinasakatuparan, at 94.6 porsiyento ang hindi pa nasisimulan sa kabila ng P737-Milyong alokasyon dito.

Nakatanggap naman ang Department of Social Work and Development at United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs ng P1.17-B donasyon at US$865 milyon sa dayuhang mga organisasyon para sa mga nasalanta ng Yolanda.

Tanong ng mga mamamayan at mga biktima: Nasaan ang pondong ito at ano ang balak ng bagong administrasyon dito?

May dapat managot

Hindi pa man nakakabangon partikular ang mga magsasaka sa Eastern Visayas mula sa iba’t ibang bagyo matapos pa kay Yolanda at mga peste na sumira sa kanilang mga pananim gaya ng cocolisap, nahaharap din sila sa nagpapatuloy na militarisasyon sa kanilang lugar.

“Dahil si Presidente (Duterte) nag-open ng peace talks, inaasahan namin na magkakaroon ng tunay na kapayapaan, nasa gitna pa rin ang mga magsasaka ng militarisasyon. May mga barangay na hinaharas, tinatakot, at hina-hamlet,” ayon kay Bautista.

Nais paalalahanin ng People Surge ang gobyerno ni Duterte ang mga pagkukulang pa sa mga biktima lalo higit ang mga pondong nawawala.

“Magpapatulong din kami sa Kongreso at Senado na ibalik ang mga ginawa nilang resolutions na imbestigahan yung mga korupsiyon sa emergency shelters assistance lalo na na nawawala ang mga pera,” ayon kay Bautista.

Gayundin nais nilang managot ang tinaguriang Gang of 5 ng dating administrasyon na sina Noynoy Aquino, Mar Roxas, Dinky Soliman, Jericho Petilla, at Ping Lacson na itinuturong may direktang pananagutan sa kapabayaan sa mga biktima ng Yolanda.

Mahigit tatlong taon na ang nakakaraan nang magsimula ang kanilang trahedya. Tatlong taong mahigit na rin silang patuloy na nananawagan ng tulong at hustisya sa gobyerno ng Pilipinas mula sa kriminal na kapabayaan ni Aquino at ngayon umaasa sila ng pagbabago sa ilalim ni Duterte.


 

Sa sandaling piling ng NPA sa Sierra Madre

$
0
0

May imbitasyon sa amin para sa isang press conference. Pero kakaibang presscon ito. Hindi sa anumang restaurant o lugar ito magaganap. Sa kabundukan ng Sierra Madre ito. Ang nag-imbita sa midya kabilang ang Pinoy Weekly: ang Melito Glor Command ng New People’s Army (NPA) sa Southern Tagalog.

Sa paanan ng Sierra Madre, ibinigay sa amin ang mga alituntunin sa pagpanik: Ang mga bawal at mga hindi dapat gawin. Bagamat mayroong ipinatutupad ng tigil-putukan ang Gobyerno ng Pilipinas at Partido Komunista ng Pilipinas, hindi ito kasiguraduhan sa aming kaligtasan. Una pa lang, nasabi na sa amin ang patuloy na operasyon ng mga militar sa kabila ng ceasefire. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit nag-imbita ng presscon ang NPA sa lugar.

Matapos ang oryentasyon sa pagpanik sa kampo ng NPA, nagsimula kaming humakbang sa kalagitnaan ng gabi, nakahandang makipagkilala sa hamon ng dilim at kabundukan.

Para sa aming sanay sa patag at buhay petiburges, walang magsasabing naging madali ito. Makailang ulit kaming pinatumba ng maputik na daan na nagpapabigat sa bawat hakbang habang bitbit din namin ang mabibigat naming backpack. May mga pagkakataong kinakain ng malambot na lupa ang aming mga paa. Kakailanganin mo pa ng tulong para maiahon ka. Mabuti at hindi kami sinabayan ng ulan.
Naging kaibigan namin ang mga ugat ng puno at sanga ng mga halaman na aming nakakapitan upang huwag kaming dumausdos kapag nakakamali sa pagtapak. Ganoon na rin ang mga bato sa mga sapa na aming dinaraanan, nag-iingat na huwag madulas. Sandali, nakakapaghugas kami dito ng putik sa aming mga bota.

Panaka-naka lamang ang ilaw na nagmumula sa aming mga flashlights para hindi mapansin at makabigyay atensiyon sa mga kaaway. Pilit ginagaya ang mga ilaw ng mga alitaptap at bituin para sa liwanag at pagbibigay pag-asa na amin kakayanin ang ganitong paglalakbay sa dilim ng kagubatan. Pamaya’t maya ang pahinga namin sa pagod at hirap.

Minsan, ninanakaw na ng pagod at hirap ang aming katinuan at dinadala sa biro ang pagtanggal hirap gaya ng, “’Pre, nadaanan nyo ba yung 7-eleven?” o di kaya, “Wala ba kayong zip line na lang dito?” Ang isang kasama namin, kakaumpisa lang ng lakaran nang magtanong kung “Malayo pa ba?”

Pamaya’t maya rin ang kaba sa dibdib ng mga first time na mag-cover sa sonang gerilya na sana huwag magkaroon ng encounter. Sa mga sanay na sa ganitong coverage, hindi na marahil ganoon ang kabog sa dibdib. Ang iba, siguro’y excited.

Sa pagsusumiksik namin sa masukal na kagubatan, kinakalabit kami bigla ng mga sanga at hinahaplos ng kung anong mga dahon. Bigla kaming gugulatin ng mga paggapang ng insekto sa aming mga batok. Maiisip kominsan kung bigla na lang may tutuklaw sa akin. Doon ko mapagtatanto na hindi lang pala bala ang puwedeng pumatay sa amin.

Kalagitnaan ng gabi nang marating namin ang kampo ng NPA matapos ang isang matarik na akyatan. May dalawang oras din ang ginawa naming paglalakbay. Kaya sa mga may edad na reporter, sadyang hindi ito naging biro. Buti na lang at bumaba pa ng kampo ang mga gerilya ng NPA para hindi kami lalong mahirapan. Nagpaabot kasi ang ilan sa amin bago ang takdang araw kung magagawan ng paraan para hindi maging mahirap sa mga midya ang pagpasok sa sonang gerilya. Mabuti na lang at napaunlakan. Dahil kung nagkataon, ang orihinal na balita sa amin ay may anim hanggang walong oras na lakaran. Pero ganoon pa man, mahirap pa rin.

Nakahanda na ang ginawang kubol para sa amin at nakahanda na ang mainit na kape na naghihintay sa amin–panandaling panlaban sa pagod at lamig. Nagpakilala ang isang batang gerilya habang nagpapahinga kami at nag-aayos ng aming mga dalang gamit. Hindi namin matanaw maigi ang kanyang mukha na naaaninagan lang ng munting ilawan mula sa aming kubol. Pero sa kabila ng mumunting ilaw, sapat na ito para ilitaw ang ganda ng kanyang kabataan. Sa una, pagkakamalan ng iba naKoreana o Haponesa siya. Biro nga ng isang kasama naming reporter, “Akala ko, may international wing na ang NPA.” Ang kanyang tinig ang higit na nagpatunay nang pagpapatuloy ng kabataan Pilipino sa rebolusyong matanda pa sa kanila.

Ilang sandali pa, nilapitan kami ng buong galang ng nakatatandang mga gerilya. Nagpakilala sila sa amin sa mga pangalan na alam naming alyas lang nila. Pilit naming kinakapa sa dilim at sa aming isipan kung sino sa kanila ang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command.

Binigyan din nila kami ng oryentasyon sa kalagayan ng erya kung saan kami naroon. Ang balitang nasa may tatlong kilometro lamang ang pinakamalapit na kampo ng militar kung saan kami naroroon ang nagbigay ng sandaling katahimikan sa amin–kumbaga may moment of silence. Gayumpaman, nasa sitwasyon kami na tinanggap namin na nasa loob kami ng isang larangang gerilya – nasa lupain kami kung nasaan nangyayari ang gera.

Madaling araw na nang mahiga kami sa papag na nilagyan ng tapeta sa ibabaw namin bilang proteksiyon sa ulan. Ilang sandali lang, isa-isa kaming ginigising ng kagat ng lamig.

Bago pumutok ang araw, isa-isa na kaming bumangon. Doon lang namin nakita ang mga gerilya o mga hukbo na karamiha’y kabataang iniwan ang kanilang buhay at pagkakakilanlan sa paanan ng kabundukan.

Muli, isang oryentasyon ang ibinigay sa amin kung ano ang magaganap sa buong araw. Sinabi na rin nila sa amin kung sinu-sino ang maaari lang kunan ng larawan. Isa rin sa napagkasunduan na kanilang titignan ang anumang aming nakunan na maaaring makapagbigay pagkakakilalan sa kanilang mga kasama.

Kaya naman, nagsimula kaming mag-ayos. Isa-isa kaming naligo sa ginawa nilang liguan na gawa sa kawayan at dahon ng niyog na may tabing. Mayroong tubo ito na nagbibigay ng tubig sa amin. Ito rin ang pinagkukunan ng aming inumin.

Nasa kabilang dulo naman nito ang banyo; isang hinukay na deposituhan na gawa din sa kawayan at niyog na may tabing. Kailangan mo munang kumuha ng tubig panghugas sa isang galon para may panglinis kung ano man ang dapat linisin. Hindi maganda ang amoy sa bahaging ito, pero ganito talaga sa bundok. Ikaw ang kailangang mag-adjust at hindi ang kabundukan ang mag-a-adjust sa iyo. Para sa mga hukbong galing kalunsuran, ito marahil ang isa sa mga una nilang natutunang hubugin sa kanilang sarili.

Matapos kaming makapag-ayos ng aming mga gamit at makaalmusal, nagsimula na kami sa aming trabaho. Nag-aayos na rin ang mga gerilya at naglagay ng pinta sa kanilang mukha na kulay ng National Democratic Front of the Philippines–pula, asul, at ginto. Dito, nakita na rin namin sa unang pagkakataon ang mukha ni Ka Diego suot ang type A na uniporme. Oo, may mga uniporme rin ang mga gerilya. Makikitang hango ito sa pinagsamang disenyo ng mga hukbong bayan sa China at Vietnam.

Nasa 69-anyos na si Ka Diego. Apat na dekada na siya sa rebolusyon. Nasa kasiglahan ng kanyang kabataan noong Martial Law nang magpasya siyang humawak ng armas. Ito ang kanyang kauna-unahang pagkakataon na haharap sa mga miyembro ng midya. Dito niya ihaharap ang kanyang mukha at pagkatao na apat na dekada niyang iniingatan na ikubli sa mga dahon, bato, at puno sa mga kabundukan.

Ilang sandali pa, isang sigaw ang naging hudyat ng pagsisimula ng programa para sa araw na iyon. Mabilis na humanay ang mga naka-type B na uniporme na miyembro ng NPA para sa isang military drill. Hawak ang mga bandila ng rebolusyon at kani-kanilang armas, nagsimula silang humakbang sa hudyat ng isang command.

Mabilis na sinipat ng aming mga lente ang pambihirang eksena para sa amin. Nakikipaghabulan sa bawat segundo ang tunog ng aming mga kamera sa bilis ng bawat pitik. Hindi ko alam kung nanggigil ang marami sa amin dahil madalang lang ito o sadyang astig lang ang makakita ng mga mandirigmang hindi madalas makita ng malapitan at maramihan.

Inawit nila ang International, ang pandaigdigang awit ng mga komunista sa daigdig. Sadyang iba ang pakiramdam na marinig ito mula sa kanila sa ganitong lugar kung saan lang sila makikita na may armas.

Nagsimulang dumaloy ang presscon sa isang bulwagan na gawa sa mga kahoy at tinabingan ng tapeta bilang bubong. Sa harap inilagay ang simbolo ng NPA na may sibat at AK-47 sa loob ng tatsulok. Masining na dinisenyuhan ang paligid nito ng dahon ng niyog at anahaw.

Dito pormal na ipinakilala si Jaime “Ka Diego” Padilla bilang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command ng NPA sa Timog Katagalugan. Bagamat ikinukubli kami ng mga puno sa kabundukan at nakikipagniig ang aming mga bota sa putikan, naidaos ang presscon tulad kung paano ang sa lungsod.

Binasag ng tunog ng helicopter ang idinaraos na presscon. Bagamat natuloy pa rin ito, patingin-tingin kami sa paligid. Naghihintay kung may huhudyat kung ano ang gagawin. Pero, mukhang hindi na bago sa mga hukbo ang pagdaan ng helicopter ng kanilang kaaway. Mukhang tama sila; pinakaba lang kami.

Matapos ang presscon, nananghalian na kami kasama ang mga hukbo. Dito, nagpaunlak pa rin ng panayam si Ka Diego at iba pang hukbo sa midya.

Ilang sandali pa, isang kultural na programa ang idinaos para sa aming tagamidya. May mga kumanta, tumula, nagbigay ng mga talumpati, at may nag-alok ng kasal sa kanyang karelasyon kasabay ng kantang Kapag Sinabi Ko sa Iyo ni Gary Granada, dala-dala ang rosas. Kaya biglang may nagsabi na “Guns and Roses!” mula sa aming tagamidya. Kaya naman kuha agad namin ang aming mga kamera at hindi ko na alam kung ilan sa aming tagamidya ang napakilig.

Ipinakilala sila na sina Ka May at Ka Ryan. Sinopresa ni Ka Ryan si Ka May para sa sandaling ito. Sabi nga ni Ka May sa kanya, “Dito pa talaga? Grabe ka, pinasikat mo ako!” Parang pang high school na eksena lang. Pero, ipinaliwanag sa amin ni Ka Diego ang kanilang sinusunod na prinsipyo sa pakikipagrelasyon. Siyempre, ibang-iba sa burgis na konsepto na dominante sa lipunan ngayon.

Ito na marahil ang isa sa pinakamasayang tagpo na nasaksihan namin sa pagpunta namin doon. Sa kabila ng mababangis nilang armas at mapangahas na tinatahak na landas, nananatili silang  karaniwang tao na binubuhay ng pag-ibig at pagmamahal sa bayan.

Matapos nito, binigyan kami ng oras para makapanayam at makasalamuha ang mga hukbo. Hindi na nag-aksaya ng oras ang marami sa amin. Kani-kanya na kami ng larga para sa aming trabaho.

Kapansin-pansin na kabataan ang karamihan sa mga NPA. Kung tatantsahin nasa 20 hanggang 30 lang ang kanilang mga edad. Bilang lang sa mga daliri ang may edad. Isang kongkretong halimbawa ito na nananatiling buhay sa kabataan ang rebolusyong sinimulan mahigit apat na dekada na ang nakakaraan.

pw-14-43-featured-image-melito-glor

Ka Kathryn. Boy Bagwis

Isa sa kanila si Ka Kathryn, 24, nakapag-aral ng kursong komunikasyon at masasabing may kumportableng katayuan sa buhay o nasa middle class. Namulat siya ng patuloy na pagtaas ng matrikula hanggang sa malaman niyang hindi lang pala matrikula ang problemang kinakaharap ng kabataan at kanilang magulang. Hanggang sa matanggal sa trabaho ang kanilang engineer na ama dahil pag-uunyon dahil sa public-private partnership.

Siya rin ang kabataang nabanggit kanina na sumalubong sa aming pagdating. Panganay siya sa tatlong magkakapatid. May angkin siyang ganda na wala yatang reporter na hindi siya kinuhanan o hindi siya kinapanayam.

Pero hindi ang angkin niyang ganda ang tunay na mensaheng nais kuhanan kundi ang larawan ng isang kabataan na pinili ang hamon ng rebolusyon na pilit tinatabunan ng iba’t ibang uso mula sa pinakahuling gadgets, teleserye, social media, at ang pangako ng burgis na buhay.

Hindi rin naging madali para sa uring petiburges gaya ni Ka Kathryn ang pagsapi sa hukbo, pero nagagawa niya itong pangibabawan kapag nalaman at malalim na naunawaan ang kawastuhan ng kanilang ipinaglalaban at ang mga hibla ng peti-burgesya ay madali na lamang niyang napapangibabawan.

Kasiglahan din ng kanyang kabataan nang sumapi si Ka Eric, 52 ngayon, sa NPA. Gaya ni Ka Kathryn, mula din siya sa uri ng petiburgesya. Nakapag-aral, pero pinili na ang ganitong propesyon. Unang bahagi ng dekada ’90 nang nagpasya siyang sumapi sa NPA. Dinaanan niya ang paglihis o pagkakamali sa loob ng kilusan at ang masalimuot na pagwawasto sa kamaliang ito.

Tinanong ko si Ka Eric kung ano ang pinakahindi niya malilimutang kabanata ng kanyang pagiging NPA. Ang hindi mabilang na pagkakataon na iniligtas sila ng masa sa kanilang mga kaaway ang tangi niyang nasagot sa akin. Marami siyang naikuwento tungkol dito.

Naging mahaba ang kuwentuhan namin, maging sa kanilang pamilya at kanyang nanay na hanggang ngayo’y nais siyang pababain sa kabundukan. Isa rin sa mga hindi niya malilimutan ang bawat kasamang nagbuwis ng buhay na kanilang nakasama.

Mag-aalas singko nang magulat ako na naghahanda na ang mga kasama kong tagamidya. Mas bababa pala kami ng mas maaga kesa sa itinakda. Kaya naman nagmadali na rin ako sa aking pag-i-interview. Kailangan ko pa rin kasing ayusin ang aking mga gamit.

Habang nag-aayos ng gamit, hindi ako makapaniwala na kailangan na naming umalis. Parang mas mahaba pa ang paglalakbay namin kaysa sa aming pananatili. Pero sa sandaling panahon na iyon nagkaroon kami, partikular sa akin, ng mas malalim na pag-unawa sa mga NPA. Ibang-iba sa mga nais ipakita at ipaniwala sa atin ng mga nasa estado kabilang ang dominanteng kultura. Sa kabila ng iba’t ibang masasamang pagbabansag sa kanila gaya ng terorista, mamamatay-tao, demonyo, walang-diyos, na-brainwash ni Joma (Jose Maria Sison), alagad ng China, at iba pa, alam ng masang araw-araw nilang pinaglilingkuran at tagasuporta kung ano ang katotohanang kanilang paniniwalaan.

Malalaman sa kanilang mahigit apat na dekadang pagrerebolusyon ang malaking pagkakaiba ng terorista at ng rebolusyonaryo. Isa sa mga dahilan kung bakit ang pagiging NPA ay nagpapatuloy na isang landas na kailangan tahakin ng mga kabataang mula sa iba’t ibang henerasyon katulad nila Ka Diego, Ka Eric, at Ka Kathryn. At malamang, hindi sila ang huli.

Malalim na respeto para sa kanila ang aming natutunan kung bakit nila ginagawa ang kanilang ginagawa; kung bakit nila iniiwan at sinusuway ang kanilang mahal-sa-buhay para sa digmaang hindi nila alam kung kailan matatapos pero tiyak na tiyak ng mga NPA ang tagumpay nito.

Matapos ang mahahabang paalamanan at pasasalamat, hindi ko na rin pinalampas ang pagkakataong makapagpalitrato kay Ka Diego. Alam ko, i sang araw isa ito sa mga larawang nasa piling ng mga NPA na pakakaingat-ingatan ko.

Umalis kami sa simula ng pagkagat ng dilim. Ramdam ko ang bigat ng aking mga bota. Pero gayunpaman, mukhang naging mas madali ang aming pagbaba kaysa sa pagpanik. Pero sa hindi iniaasahan, naligaw kami pabalik. Dahil nga pala bago ang mga NPA sa lugar kaya nangapa kami.

Hanggang sa mahiwalay kami ng dalawa kong kasamahan. Aaminin kong kinabahan ako ng mga sandaling iyon dahil puro dilim ang nasa aming paligid maliban sa langit na may mga bituing pinapanood kami. Pero hindi kami iniwan ng aming katinuan. Sa pagdudugtong ng aming karanasan at kaalaman, nakadugtong kami sa aming mga kasama. Pero naliligaw pa rin ang aming nadugtungan. Nangapa pa rin kami sa pagitan ng dilim at paanan ng kabundukan.

Hanggang sa magtagpu-tagpo kaming muli. Sa isang komunidad pilit naming ikinukubli ang mga sarili para hindi kami makita. Bawal magbukas basta ng flashlight para hindi kami mapansin. Pero sadyang iba ang kakayanan ng mga aso. Pilit kaming isinusumbong sa mga nasa paligid. Bahala na ang aming nasa isip.

Pagdating sa may bungad ng kalsada,wala pa ang aming sasakyan. Pilit kaming nagtatago sa dilim na nagkukubli sa amin una pa lang. Panibagong paghihintay at ang bawat segundo ay tila nagpapalapit sa amin sa kapahamakan.

Dumating ang aming sundo at mabilis kaming sumakay. Ilang oras muli ang aming nilakbay pabalik ng Maynila dala ang mga istorya ng rebolusyong tinitiyak ang tagumpay.


 

Lider-obrero, hinaharas ng militar

$
0
0

Kahit may usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kapwa nagpapatupad ng unilateral ceasefire, umaarangkada pa rin ang atake ng gobyerno sa progresibong mga grupo.

Isa sa mga biktima nitong huli si Antonio “Ka Tony” Begornia, pangkalahatang kalihim ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations- Kilusang Mayo Uno (Anglo- KMU).

Umaalma ang mga manggagawa sa pinabagong atakeng ito sa KMU at progresibong mga lider-obrero.

“Naniniwala kami na ang serye ng panghaharas kay Ka Tony ay kagagawan ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines bilang bahagi ng Oplan Bayanihan. Pareho ang modus operandi na ito na ginamit para mangharas ng mga lider-manggagawa at unyonista mula pa sa administrasyong Aquino,” ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Tala ng panghaharas

Disyembre 22, 2016 nang magsimula ang panghaharas kay Begornia.

Pinuntahan siya ng tatlong lalaki sa kanilang bahay at nagsabing bibili ng furniture. Matapat namang sinamahan ni Begornia ang tatlo sa bilihan. Matapos noon, nag-ayang kumain ang mga ito.

Sa isang restawran, pinaorder si Begornia ng anumang gusto niyang kainin. Dito na nagpakilala ang tatlo na mga intelligence agent daw sila ng gobyerno.

Nagpakilala ang mga ito sa pangalang Maj. Michael Miguel, isang Sgt. Jonathan, at isang Ka Diego na dati umanong aktibista. Tulad ng dating pamamaraan para baliktarin ang isang aktibista sa kanyang paniniwala, inakit ng “tulong” si Bergonia na ibibigay umano ang pangangailangan ng kanyang pamilya basta makipagtulungan siya sa mga ito.

Tinanong siya ng tatlo kung ano ang ginagawa ng Anglo- KMU. Matapat naman niyang sinabi kung ano ang ginawa ng kanyang organisasyon gaya ng pagpunta sa lokal na mga unyon para sa mga pulong at pagkondukta ng mga aktibidad para sa mga manggagawa.

Matapos noon, binigyan siya ng numero kung saan siya makikipag-usap at huwag sasabihin kahit sa asawa nito. Inihatid siya matapos noon sa mismong bahay nila.

Sunud-sunod na umano ang pagsubaybay sa kanya. Pinuntahan siya uli noong Disyembre 24 dala ang isang bag ng grocery at P2,000 pilit na pinagsiksikan sa bulsa ni Begornia. Ikinatakot pa ito ni Begornia dahil baka droga ang inilagay sa kanyang bulsa. Dali-dali niyang inilabas ito. Pero nagsabi sa kanya na magagalit ang tatlo kung hindi niya tatanggapin. Dahil sa naisandal siya sa ganoong sitwasyon, napilitan siyang umalis dala ang ibinigay sa kanya.

Nagpatuloy ang paniniktik at matinding panghaharas kay Begornia. Nakaabot na ito hanggang sa pamilya niya at komunidad. Kung kaya nagdesisyon ang KMU na sunduin na siya sa kanyang bahay at ilagay sa ligtas na lugar. May lumapit na umano sa mga pamangkin ni Begornia: “Ano? Ituturo niyo ba kung nasaan si Tony o may tutumba sa inyo?”

Hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin umano ang paniniktik sa lugar ni Begornia.

Meme na pinakalat ng KMU matapos ang panghaharas kay Begornia.

Meme na pinakalat ng KMU matapos ang panghaharas kay Begornia.

Patuloy ang krisis

Sa kasalukuyan, aktibo pa rin ang mga manggagawa sa panawagan na ibasura ang kontraktuwalisasyon at pagsulong para sa national minimum wage.

Ito ang nakikitang dahilan ni Jerome Adonis, secretary-general ng KMU, kung bakit inaatake ang katulad ni Begornia.

Masamang senyales umano ang ipinakikitang ito ng administrasyong Duterte. Lumalawak ang diskontento ng mga manggagawa sa kanyang mga ipinangako at pagpapatuloy ang mga pandaras para patahimikin ang mga katulad nilang lider-manggagawa at unyonista.

Gayundin, tila wala rin sa planong itigil ng administrasyon ang kontra-insurhensiyang programa tulad ng Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino. Ngayon, binihisan na ito ng bagong pangalan: Oplan Kapayapaan, na bumibiktima maging sa mga walang armas na mamamayang nagsusulong ng kanilang karapatan.


 

Mendiola Massacre at 30-taong kawalan ng hustisya

$
0
0

Kakambal na mar­ahil ng pangalan ng Mendiola ang mga kilos-protesta o mga rali. Dito nangyayari ang di-mabilang na paglaban ng mga mamamayan para igiit ang kanilang karapa­tan.

Isa sa pinakakilalang pagkilos dito ang dumulo sa masaker noong Enero 22, 1987 sa ilalim ni dating pangulong Corazon Aquino. Labing tatlong magsasaka ang napaslang nang itaboy ng mga pulis ang mga magsasaka. Matapos ang tatlumpung taon, nananatiling walang hustisya ang mga biktima.

Matapos ang 30 taon, nananatili ang pundamental na tunggalian sa pagitan ng mga magsasaka at panginoong maylupa para sa lupa.

Nanatiling kalagayan

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), siyam sa 10 magsasaka ang walang lupang sinasaka, at nananatiling monopolyo ng mga panginoong maylupa. Di kailanman nawala sa mga Cojuangco-Aquino, Araneta, Enrile, Roxas, Escudero ang mga iba’t ibang hacienda sa Pilipinas. Nariyan ang Hacienda Luisita, Hacienda Yulo, Hacienda Looc, at mga asyenda sa Negros.

Sa Mindanao naman, patuloy ang operayson ng malawakang mga plantasyon ng multi-nasyunal na mga kompanya para taniman ang lupain dito ng saging, pinya, at maging palm oil. Pinagtatrabaho sila bilang manggagawang bukid na mababa ang sahod at limitado ang araw na paggawa. Sa Bukidnon, P290 kada araw lang ang sahod ng mga manggagawang bukid ng palm oil. Higit na malala sa Bohol na tumatanggap lang ng P50-P200 kada buwan ang mga magsasaka ng palm oil.

Nang mag-aklas ang mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong 2004, nanawagan ang mga ito ng dagdag-sahod at dagdag araw-paggawa dahil sa P9.50 lang kada linggo ang kanilang natatanggap. Nob. 16, 2004 binuwag ang kanilang piketline at minasaker ang pito sa kanila.

Sa ilalim naman ng rehimeng Aquino, 283 magsasaka ang pinaslang at 23 ang desaparecido ang naitala ng Karapatan mula Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2015 — ang may pinakamaraming bilang ng biktima sa lipunan.

Patuloy din ang land use conversion o pagpapalit-gamit sa lupa upang gawing komersiyal na establisimyento o di kaya’y mga subdivision na nagtataboy sa mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka at naitutulak sa mga lungsod gaya ng Maynila upang makipagsapalaran.

Bago ang eleksiyong 2016, nagprotesta ang 5,000 magsasaka sa Kidapawan upang igiit sa gobyerno na ilabas ang pondo para sa mga apektado ng matinding tag-init. Pinaputukan sila ng mga pulis noong Abril 1 na ikinasawi ng isang magsasaka at ikinasugat ng marami.

Pangako at atake

Sa pag-upo ni Pangulong Duterte, nangako siya ng pagbabago sa mga magsasaka.

Kaya naman sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, pinili niyang maging kalihim ng Department of Agrarian Reform si Rafael Mariano ng KMP na nasa hanay ng magsasaka at may mahabang track record sa paglaban para sa tunay na repormang agraryo at interes ng mga magsasaka.

Pero higit pa ang kailangang tugunan sa problema ng mga magsasaka. Nagpapatuloy pa rin ang atake sa kanilang hanay sa kasalukuyan. Sa Tagum City, pinagbabaril ang mga magsasaka sa plantasyon ng saging na mga miyembro ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Inc, Mag-uuma Alang Sa Tinood Nga Repormang Agraryo at iba pang grupo. Siyam ang naitalang sugatan nang pagbabarilin sila ng mga guwardiya ng Lapanday Foods Corporation.

Hangga’t di natutugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa at nananatili ang pyudalismo at paghahari ng panginoong may lupa at nananatiling busabos at pinagsasamantalahan ang mga magsasaka, tiyak na hindi na lamang magiging tagasuporta ang mga magsasaka ng New People’s Army (NPA) na nagsusulong ng rebolusyong agraryo.

Ayon nga sa Melito Glor Command ng NPA sa Southern Tagalog, ang mga magsasaka ang nananatiling balon ng mga pulang mandirigma.


 

Crackdown sa malalaki’t mapanirang pagmimina

$
0
0

Kung dati-rati sinasabing kakuntsaba ng malalaking minahan sa bansa ang gobyerno gamit ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ngayon sa katauhan ng Kalihim nito na si Regina “Gina” Lopez, isang malaking hadlang ang nasabing departamento sa nais ng malalaking minahan na ito.

Ipinasira ni Lopez ang may 23 mining firms at sinuspinde ang lima pa dahil sa labis na paglabag na sumisira sa kalikasan. Kabilang sa mga ipinasa ang Benguet Corp. Nickel Mines Inc., Ore Asia Mining and Development Corporation, at Benguet Corporation. Sampu ang naipasa sa Visayas at pito naman sa Mindanao. Kasunod nito, pinakansela din ni Lopez ang may 75 kontrata ng pagmimina.

Kinuwestiyon naman ito ng Chamber of Mines of the Philippines na binubuo ng mga kompanya ng minahan, at nagbanta ng malawang tanggalan sa trabaho at malaking pagkawala ng revenue.

Pinangunahan ng mga katutubong Mangyan ang paglaban sa mapanirang pagmimina sa Mindoro. <b>Raymond Panaligan</b>

Pinangunahan ng mga katutubong Mangyan ang paglaban sa mapanirang pagmimina sa Mindoro. Raymond Panaligan

Malawak na suporta

Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Lopez. Sinabi niyang gagawin pa rin niya kung ano ang sa tinigin niya ang tama. Nagpahayag naman ng suporta ang administrasyong Duterte sa hakbang na ito ng Kalihim.

Gayundin, suportado naman siya ng iba’t ibang grupo ng makakalikasan na matagal nang nakikipaglaban upang wasakan ang dambuhala at mapangwasak na pagmimina sa bansa.

“Pinupuri namin si Secretary Lopez sa kaniyang pagtindig sa kaniyang kampanya na habulin ang mga kompanya ng mina na subok at kilala na na nagdudulot ng polusyon at pagwasak sa ating kalikasan. Bilang natatanging Kalihim ng DENR na tumindig laban sa mining mafia sa bansa, nararapat lamang siya na maging Kalihim ng departamento,” ani Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment.

Ayon sa Ibon, institusyon ng pananaliksik, dapat lang ipasara ang dambuhala at mapanirang mga minahan sa bansa. Hindi umano totoong nakikinabang dito ang ekonomiya. Ayon sa kanila, sa kabila pinakamataas na mineral exports na US$ 3.4-Bilyon, nag-ambag lang ang pagmimina ng katiting na 0.7 porsiyento sa gross domestic product noong 2013.

Nasa 1.18 porsiyento lang din ang taunang average sa ambag sa mining revenues sa kita ng gobyerno sa 2009 hanggang 2012. Ang kontribusyon ng minahan at quarrying sector sa empleyo ay nasa 0.7 porsiyento lang ng kabuuang employment sa bansa. Mahigit naman sa 90 porsiyento ng Philippine mineral production ang iniexport sa ibang bansa. Ito’y sa kabila na isa ang Pilipinas sa nangunguna na nagpo-produce ng ginto, copper, at nickel sa daigdig, dagdag ng Ibon.

Sinabi naman ng Mines and Geosciences Bureau na nakalikha ang industriya ng P1.51-Trilyong halaga ng mineral gross production mula 1997 hanggang 2015. Pero nasa P199.03-B lang nito o 13.5 porsiyento ang naging benepisyo sa ekonomiya ng Pilipinas sa porma ng buwis, royalties, at bayarin.

Binigyan-diin din ng Ibon ang permanenteng mga pinsala na dulot ng pagmimina sa kalikasan, kabuhayan, at buhay ng mga mamamayan sa mga lugar na may minahan.

Para sa naman sa mga grupo ng katutubo na Katribu at Kalipunan ng Katutubong Mamamayan saPilipinas o KAMP, kailangan ding bigyan ng diin ng DENR ang matinding paglabag sa karapatang pantao lalo na sa kanilang katutubo. Dapat umanong tignan ng departamento ang di umano’y sabwatan ng mga kompanya ng minahan at mga militar sa mga minahang lugar. Responsable umano ang mga militar at paramilitar sa paglabag sa karapatang-tao sa mga komunidad ng mga katutubo na tumututol sa operasyon at aplikasyon ng mga minahan.

“Nakakagalit na ebidensiya ng iresponsableng pagmimina ay kung paano ang pagmimina ay nagiging ugat ng tunggalian may bilang na di bababa sa 85 na kaso ng pagmamaslang na namonitor namin mula 2001,” ayon kay Bautista.

Kaugnay naman nito, nais din ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas na bigyang aksiyon ng DENR ang malawakang reclamation activities sa coastal areas na sumisira din sa kalikasan at sa marine resources ng bansa. Nasa 96 reclamation ventures ang kinilala ng Philippine Reclamation Authority at nabigyan na ng go signal ang 20 dito ng gobyerno.

Nananawagan naman ang Kalikasan PNE kay Lopez na makipagtulungan sa Kongreso para isulong ang People’s Mining Bill (House Bill 2715) upang palitan ang Mining Act of 1995 na ugat ng mga problema sa pagmimina.

Hiling din ng iba’t ibang grupo na ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines para maisulong ang Socio-Economic Reforms at bigyang direksiyon ang sektor ng pagmimina na tunay na makikinabang ang mamamayang Pilipino.

Nagpakita rin ng suporta ang kababaihan ng Gabriela kay DENR Sec. Lopez. <b>Marjo Malubay</b>

Nagpakita rin ng suporta ang kababaihan ng Gabriela kay DENR Sec. Lopez. Marjo Malubay

Matagal pang laban

Isang positibong hakbang ang pagpapasara at suspensiyon sa mga minahan para kalikasan ng Pilipinas at pagsisiguro na pakikinabangan ng mga Pilipino ang likas-yaman ng bansa. Pero simula pa lamang ito ng masalimuot na laban.

Katunayan, pinipigilan si Lopez sa Commission on Appointments para hindi maupong Kalihim ng DENR. Nagpapakalat din ng sariling propaganda ang mga may-ari ng mga minahan para ipakitang hindi masama ang pagmimina.

Pero nakahandang suportahan ng mga mamamayan ang mga mapangahas na hakbang na ito ni Lopez. Nakahanda umano sila na maglunsad ng mga protesta para iprotesta ang malalaking dayuhang kompanyang nais pagkakitaan ang kalikasan at sumusupil sa lumalabang mga mamamayan.


Featured Photo: Si DENR Sec. Regina “Gina” Lopez, nagsalita sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Mindoro na nagpapahayag ng pagtutol sa malawakang komersiyal na pagmimina sa lugar. (Raymond Panaligan)

Libreng edukasyon

$
0
0

Marami ang natuwa at umasa sa pangakong dala ng P8-Bilyong pondo na idinagdag para sa state universities and colleges (SUCs). Pero ang abot-kamay na libreng matrikula, mistulang naging bato. Dahil walang libreng matrikula para sa lahat ng mag-aaral na papasok sa 114 SUCs sa bansa para sa susunod na taon.

Ito’y matapos ilabas ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa dagdag na P8-B pondo para sa SUCs, nang aralin ng Kabataan Party-list.

Ang P8-B pondong dagdag na ito ang sanang tutupad sa pangakong libreng edukasyon ng administrasyong Duterte na hindi kailanman pina-kinggan ng nagdaang mga rehimen. Pero sa pinirmahan niyang badyet sa taong 2017- 2018, tila hindi pa matutupad ang pangakong ito.

Tagumpay, panlilinlang

Masasabing tagumpay ng kilusang kabataan at mga mamamayan na maitulak ang mga mambabatas para maisulong ang libreng matrikula para sa mga mag-aaral sa SUCs.

Pero sa IRR ng Free Tuition Policy (FTP) na para sa mga nasa ilalim ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) at Student Financial Assistance Pro-grams (StuFAPs) ang libreng matrikula. Ihahanay naman ang iba pang natitirang mag-aaral batay sa kanilang katayuan sa buhay o base sa kanilang per capita household income na katulad ng socialized tuition system (STS) ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Ibig sabihin, sisingilin ng matrikula at iba pang bayarin ang hindi makakasama sa mga kuwalipikasyon.

“Dito, nasa mag-aaral ang bigat na patunayan na mahirap nga siya. Kailangan niyang ipamukha kung gaano sila kahirap na para bang kailangan niyang ilimos ang kaniyang karapatan sa libreng matrikula na pinondohan na,” ani Mark Vincent Lim, tagapagsalita ng National Union Students of the Philippines (NUSP).

Nagiging maskara lang ng mga pamantasan gaya ng UP ang STS para masabing hindi lahat ay maaapektuhan ng pagtaas ng matrikula. Pero sa esensiya, pagtaas pa rin ng matrikula ang nasa dulo nito. Ganito ang inaasahang gagawin ng FTP sa lahat ng mga mag-aaral ng SUCs sa bansa.

“Mapanlinlang ang FTP. Kahit ang CHED, inaming kaya lang nilang matutusan ang 85 porsiyento ng mga mag-aaral na inaasahang papasok sa susunod na taon. Maaari pang bumaba ito dahil sa napakahigpit na kakailanganin para matarget ang mahihirap,” ani Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago.

Dagdag matrikula, atbp

Sinasabing ang P8-B dagdag ay base sa inaasahang malilikom ng mga SUC sa taong 2017 mula sa matrikula. Hindi kasama dito ang iba pang bayarin o other school fees (OSF).

Nagbubukas din ang FTP ng oportunidad para magtaas ng matrikula at iba pang bayarin ang mga pamantasan, dahil inaasahang sisikapin ng mga administrador ng mga SUC na itaas ang matrikula. Titiyakin umano nito na makuha ang kabuuang budget ceiling na nakalaan sa kanila o pinakamataas na pondo na kaya nilang makuha.

“Kung ang isang mag-aaral, kailangang patunayang mahirap nga siya, sa mga SUC, kailangan ding patunayan na kailangan nila ng karagdagang pondo o mahirap din sila. Hindi pantay ang magiging tingin sa mga pamantasan kaya maaari at inaasahan na itataas ang matrikula para makuha ang budget ceiling nila,” ani Lim.

Dahil hindi rin nito sakop ang iba pang bayarin, inaasahang muling magtataas ito para magkamal ng karagdagang kita ang mga SUC. Sa taya ng DBM, nasa P4.47-B ang makukulekta mula sa OSF para sa taong 2017. Sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, halimbawa, nasa halos 90 porsiyento na binabayaran ng mag-aaral ay mga OSF.

“Dagdag pa rito, para lang sa AY 2017-2018 o isang taon lamang ang dagdag na P8-B pondong ito,” sabi pa ni Lim.

Ilan pang ‘legal’ na hakbangin

Mula nang ma-deregulate o matanggal ang kontrol ng gobyerno sa pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan dahil sa Education Act of 1982, lubos na pinagkakitaan ng pribado at pampublikong mga pamantasan ang edukasyon sa Pilipinas.

Kasabay ng seryeng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ang serye ng paglaban ng kabataan at mga mamamayan para igiit ang karapatan sa edukasyon.

Ito ang nagluwal sa FTP sa kasalukuyan para pahupain ang paglaban ng mga mamamayan pero nailalantad ang pagiging huwad nito at mas masahol na layunin.

Naipasa naman sa Senado ang Affordable Free Higher Education Act (Senate Bill 1304) na naglalayon na maglaan ng P15-B para sa full tuition subsidy ng mga mag-aaral ng SUCs. Pero tahimik ang panukalang batas hinggil sa koleksiyon ng OSF.

Pagdedebatihan naman sa Kongreso ang Universal Access to Quality Tertiary Education na pinagsanib na mga panukalang batas ng mahigit 50 mambabatas na nagtutulak ng libreng edukasyon. Kasama rito ang House Bill 4800 o Comprehensive Free Public Higher Education na naglalayong tanggalin ang pangungulektang matrikula at iba pang bayarin.

Pero pinalabnaw ng mga alyado ng palasyo ang panukalang batas ng Kabataan Party-list at isinama sa isang mapanlinlang na batas na diumano’y magbibigay ng universal access sa kolehiyo.

Mas maigting na paglaban

Marami ang natuwa at umasa sa pangako ng dalang P8-B pondo na idinagdag para sa mga pampublikong pamantasan. Subalit kasaysayan ng tunggalian ng mga uri ang nagtuturo na hindi kusang ibibigay ng gobyernong kumakatawan sa naghaharing-uri ang karapatan ng mga mamamayan tulad ng edukasyon.

At kung edukasyon sa Pilipinas ay hindi kayang papasukin ang lahat ng kabataang Pilipino, sa sarili nitong pampublikong mga pamantasan, higit na kailangan ng kabataan at mga mamamayan na igiit ang kanilang karapatan hindi lang para sa kanila kundi higit para sa bayan. Lalo’t higit sa P8-B ang karapatan ng mga mamamayang Pilipino partikular sa edukasyon.

Kaway-kaway kay Manay

$
0
0

Minaniobra ang pagtanggal kay Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Hindi tatagal, aasahan din nating isusunod na sa pagtanggal sina Rafael “Ka Paeng” Mariano ng Department of Agrarian Reform (DAR) at maging si National Anti-Poverty Commission (NAPC) Lead Convenor at Sec. Liza Maza.

Ayaw ng mga pulitikong miyembro ng Commission on Appointments (CA) kay Taguiwalo dahil sa paninindigan niya kontra sa gusto ng mga pulitikong ito. Gusto nila, magkaroon ang mga kongresista ng akses sa pondo ng departamento kung gugustuhin nila.

Sa madaling salita, gusto ng mga kongresista (marami rito, kaalyado mismo ni Pangulong Duterte) na ituring na pork barrel nila ang pondo ng DSWD: makakakuha sila para sa mga “proyekto” nila kung gugustuhin nila. Paninindigan ni Taguiwalo, labag ito sa desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa pork barrel o lump sum appropriations para sa mga mambabatas. Labag din ito sa dapat na tunguhin ng rehimeng Duterte na labanan ang korupsiyon.

Pinakamahalaga, labag ito sa paninindigan ni Taguiwalo – at ng kilusang masa na kinabibilangan niya – na dapat wakasan ang sistema ng burukrata kapitalismo sa gobyerno, o pagturing sa paggogobyerno bilang negosyo para sa pansariling kapakanan ng mga nasa puwesto.

Sa maiksing panahon, malaking pagbangon

Isa si Taguiwalo sa ibinigay na nominasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) nang magbukas si Pangulong Duterte sa mga nasa Kaliwa upang maging bahagi ng kaniyang administrasyon. Naging hakbang din ito upang mas mabigyang daan ang upang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at Communist Party of the Philippines-New People’s Army na nirerepresenta ng NDF.

Sa kanyang pagkakaupo, sinimulan ni Taguiwalo ang pagbabago sa DSWD. Kabilang dito ang walang kinikilingang pagbibigay serbisyo sa mga nangangailangan. Ito ang nilaman ng Memorandum Circular 9 na naglalayong pahintuin ang impluwensiya ng mga politiko sa pagbibigay ng assistance programs at proyekto ng gobyerno.

Isa rin itong hakbang para labanan ang korupsiyon sa loob ng gobyerno at kaniyang ahensiya. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit siya ayaw maupo ng mga pulitikong nais gamitin ang pondo ng ahensiya para sa kanilang kapakinabangan.

Naging maagap din ang serbisyo ng ahensiya sa panahon ng kalamidad at krisis mula nang maupo sa puwesto si Taguiwalo. Personal niyang pinutahan ang mga biktima ng mga bagyo, lindol, at iba pang sakuna.

Itinakda ni Taguiwalo sa direksiyon ng DSWD tungo sa Transformative Social Protection gaya ng 4Ps at iba pa kaalinsabay lang ng mas batayang pagbabago sa sistema ng paggogobyerno tulad ng pambansang industrilisasyon at tunay na repormang agraryo, pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa at mas malaking suporta ng estado sa social services.

Sa kabila ng kaniyang paglilingkod ngayon sa administrasyong Duterte, buo at matatag pa rin ang militansiya ni Taguiwalo. Sa kabila ng mga pagkakaiba nila ni Pangulong Duterte partikular sa paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Gayundin ang kanyang tindig sa Batas Militar ngayon sa Mindanao. “Alam ng Presidente ang paninindigan ko sa mga isyung ito.” Sinabi niya nang tanungin ng media kung alam ng presidente ang pagtutol niya sa batas militar bilang bahagi ng kilusang masa at bilang survivor ng batas militar ni Marcos. Malinaw din ang tindig ni Taguiwalo sa pagtutol niya sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya at iba pang mga isyu.

Malinaw din ang tindig ni Taguiwalo na ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDFP upang mapag-usapan ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa.

Hindi nagpatinag si Taguiwalo sa kaniyang matuwid na paninindigan sa paglaban ng katiwalian at sistema ng katiwalian sa loob ng gobyerno. Bitbit niya sa loob ng gobyerno ang paglilingkod sa sambayanan ng tapat, may malasakit, at buong puso.

Kawalan sa gobyerno

Sa pagbasura ng nominasyon kay Taguiwalo, lalong malabo nang matupad ang mga pangako ni Duterte na tunay na pagbabago kapag pinalusot niya ang paggiit ng mga kongresita ng pork barrel. Malinaw na kawalan si Taguiwalo sa pagbabagong ipinapangako ni Duterte.

Ipinakita at pinatunayan ni Taguiwalo ang posibleng pagbabago sa gobyerno at paano ibigay ang serbisyong nararapat para sa mamamayan. Ipinakita naman ng administrasyong Duterte kung sino ang nais at hindi nila nais sa mga pagbabagong ito.

Business as usual ang burukratang kapitalismo sa gobyerno at paggamit sa pondo ng gobyerno sa patronage politics. Isa sa pinakahuling pisi rin ito na mapuputol sa pakikipagugnayan ng kilusang masa kay Duterte. Sa kabila nito, patuloy ang pagpapalakas ng kilusang masa para sa pagsulong para sa tunay na panlipunang pagbabago, may puwesto man ang mga progresibo sa gabinete o wala.


May ulat ni Priscilla Pamintuan

Pakikibaka kontra rebisyunismo

$
0
0

Isang tanong marahil ngayon s amarami kung sosyalistang bansa pa ba talaga ang Tsina at Rusya. Di kaya’y pumupusturang mga sosyalista ang mga ito, pero sa esensiya’y kapitalista?

“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)

“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)

Sa Rusya, makikita kung paano nagawang makabalik ng kapitalismo sa pamamagitan ng “rebisyunismo” o ang sadyang paglihis sa teorya’t praktika ng Marxismo-Leninismo.

Napatunayan ni Lenin na hindi imposible na magtagumpay ang mga mamamayan na ibagsak ang isang Estadong pinamumunuan ng burgesya at lumikha ng isang Estadong pinamumunuan ng mga manggagawa at naglilingkod sa kanilang interes at sa sambayanan.

Pero kahit noong nabubuhay pa si Lenin, pilit nang inililihis ng modernong mga rebisyunista kagaya nina Khrushchov, Trotsky, Zinoviev, at iba pa ang kanilang partido para yakapin ang bagong mga teorya umano na hindi naman nakalapat sa praktika ng rebolusyong Ruso.

Kabilang sa itinulak ng mga ito ang teorya daw ng “mapayapang transisyon” tungo sa sosyalismo sa pamamagitan ng “parlamentaryong landas,” “mapayapang pakikipamuhay” at “mapayapang kumpetisyon” sa pagitan ng mga bansa na may magkakaibang sistemang panlipunan at pampulitika bilang pangkalahatang linya sa patakarang panlabas sa layuning pabor sa uring burgesya. Ginagawa nila ito habang nagpupusturang mga sosyalista.

Sa pagkamatay ni V.I. Lenin, pumalit si Joseph Stalin, sa panahong matindi ang tunggalian ng burgesya at proletaryado sa loob mismo ng Estado at sa loob ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet. Nang mamatay si Stalin, sinadya nilang atakehin sina Lenin at Stalin at pinalaki ang usapin ng umano’y “pagpupurga” ni Stalin sa mga katunggali niya sa loob ng Estado at Partido.

Pero kahit na sinunod ng mga sosyalitang bansa ang “polisiya ng kapayapaan” ng mga rebisyunista, hindi nito napawi ang iba’t ibang kontradiksiyon sa daigdig gaya ng kontradiksiyon sa pagitan ng sosyalista at imperyalistang bansa; ang kontradiksiyon sa pagitan ng burgesya at proletaryado; ang kontradiksiyon sa pagitan ng imperyalismo at pinagsasamantalahang bansa.

Sa pananaw ng mga Marxista-Leninista, sa nakaraan man, sa kasalukuyan o sa hinaharap, hindi maaaring itanggi o pagtakpan ang mga kontradiksiyong ito na siyang pilit ginagawa ng mga rebisyunista.

Nauwi sa Dakilang Debate ang nangyayari sa Rusya nang simulang mapuna ni Mao Zedong, na siyang nagpatagumpay sa sosyalistang rebolusyon sa Tsina noong 1949. Kinalaunan, nakapanumbalik din ang kapitalismo sa Tsina sa pagmamaniobra ng mga rebisyunista gaya nila Liu Xiaoqi at Deng Xiaoping.

Sa ngayon, nagiging puspusan ang mga proletaryado sa daigdig sa pagbaka sa modernong rebisyunismo at patuloy na iminumulat ang inaaping sektor sa lipunan at daigdig sa tamang landas ng tagumpay na sinimulan ng Rebolusyong Oktubre ni Lenin.


 

Maojo Maga, organisador ng manggagawa

$
0
0

Malinaw na ipinakikita ng mga nakaraang pag-atake sa mga epektibong kritiko ng rehimeng Duterte na wala itong pinagkaiba sa mga nakaraang rehimen sa pagsupil, pamamaslang, pagdukot at pagsampa ng gawagawang mga kaso sa mga legal na aktibista.

Isa sa mga pinakahuling biktima nito si Marklen Maojo Maga, 39, organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at dating lider estudyante sa Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Sa inisyal na ulat ng kaniyang pagkakadukot, naglalaro ng basketball si Maojo kasama ng kanyang mga kapitbahay sa Greenland Townhomes sa San Mateo, Rizal sa pagitan ng 8:44 at 8:51 ng umaga noong Pebrero 22.

Nilapitan siya ng kalalakihang nagpakilalang mga pulis na nakasibilyan sakay ng puting Hi-Ace van na may plakang VH 1410, isang silver Toyota Innova, at isang motorsiklo. Pinosasan siyang agad at sinabing sumunod na lamang sa mga ito. Hindi sinabi sa kanya kung bakit siya inaaresto o sinabihan ng kaniyang mga karapatan. Kaagad siyang piniringan pagkasakay ng van.

Base sa rekord ng van, nakarehistro ito sa ibang sasakyan. Sa logbook ng subdivision, isang nagpakilalang Ken Estocado Flores ang driver nito at ipinakilala ang sarili bilang pulis at nagpakita ng voter’s ID bilang pagkakakilanlan.

Hindi kaagad nalaman ng kanyang asawa ang nangyari dahil tinakot umano ang mga kalaro ni Maojo at iba pang mga nakakita. Nalaman na lamang ito ng kaniyang asawa ng may nagsabi sa kaniya bandang alas-12 ng tanghali.

Inaresto si Maga na walang anumang warrant laban sa kanya. Sa buong panahon ng kanyang pagkakadukot hindi siya nasabihan kung bakit siya dinala ng mga ito at kung anong kaso ang kanyang kinakaharap.

Ayon kay Maga, nagpaikut-ikot muna sila bago siya dinala sa Camp Crame sa Quezon City bago mananghalian. Sumailalim siya sa interogasyon na walang abogado ng ilang oras. Lumalabas di umano sa interogasyon na na tila idinadawit siya sa isang insidente ng pamamaslang sa Agusan del Sur na kaniyang mariing itinanggi.

Ilang sandali pa, isang pulis ang nagpakita ng larawan ng isang .45 baril na may pitong bala at sinasabing sa kaniya umano ang nasabing baril. Itinanggi iyon ni Maga at tumangging pumirma sa anuman na ipiniprinsinta sa kanya ng mga pulis.

Tinatayang natapos ang interogasyon ng ala-una ng hapon at inilipat siya sa holding cell ng CIDG-NCR sa Crame. Hindi siya pinayagang maka-usap ang kanyang mga abogado at pamilya. Nakontak na lamang niya ang kanyang pamilya bandang ala-singko ng hapon.

Isang organisador si Maga ng KMU partikular sa mga pier at pabrika sa Valenzuela sa Central Luzon. Dati siyang miyembro ng League of Filipino Students sa PUP at founding national council member ng Anakbayan.

Nangyari ang pagdukot kay Maga kulang isang buwan matapos maaresto ang kaniyang biyenan na si NDFP Consultant Rafael Baylosis.


 

Edukasyong pinagkakakitaan, kabataang pinahihirapan

$
0
0

Lubos na ipinagmalaki ng administrasyong Duterte ang pagkakapasa ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na naglalayong magkaroon ng libreng matrikula o free tuition sa state universities and colleges (SUCs) sa bansa.

Magandang pakinggan, pero di nito binago ang batayang mga problema sa Pilipinas sa sektor ng edukasyon. Mas palalalain pa ito ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law na tumatagos sa sektor ng edukasyon.

“Sa kabila ng pagkakapasa ng RA 10931, nanatiling komersiyalisado ang edukasyon sa ating bansa… Kahit na mayroon tayong batas para sa libreng edukasyon, limitado ang bilang ng kabataang estudyante ang nakakatamasa nito,” ani Mark Vincent Lim, national convenor ng Rise for Education Alliance.

Maniobra sa ‘libreng edukasyon’

Sasakupin ng RA 10931 sa 112 SUCs, 78 local universities and colleges (LUCs), at lahat ng rehistradong technical-vocational education at training programs.

Pero ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), nananatili ang komersalisasyon sa kolehiyo. Sa 2,000 higher education institutions (HEIs) sa Pilipinas, 80 porsiyento ang pribado. Nasa 112 lang ang SUCs at 107 lang ang LUCs. Nasa 55 porsiyento ng mga mag-aaral ang nasa pribadong mga pamantasan. Bunga ito ng pagpapanatili ng gobyerno na maliit ang makakapasok sa SUCs at pagpapahintulot sa pagdami ng pribadong mga pamantasan.

Ngayong pasukan, mahigit 400 pribadong paaralan ang magtataas ng matrikula. Nasa 80 rito ang nasa National Capital Region o NCR.

“Nagbabanta ang panibagong bugso ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Inaasahan namin ngayong taon na 400 paaralan ang matataas ng anim hanggang 10 porsiyentong sa matrikula,” ani Kenji Muramatsu, deputy secretary-general ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Nakakaalarma ang pagtaas ng TOSF kasabay kung paano tumataas ang mga presyo ng bilihin sa implementasyon ng Train Law. Mula sa pagbabayad ng matrikula at iba pang bayarin, sa kanilang mga pangangailangan sa eskwelahan gaya ng school supplies, libro, at pagkai, sadyang malaking pabigat sa kanila ang dagdag bayarin sa edukasyon, dagdag pa ni Muramatsu.

Kinuwestiyon din ng kabataan ang “libreng edukasyon” ng administrasyong Duterte. Ayon kay EJ Cabrera, tagapangulo ng Agham Youth, pinakikitid ng implementing rules and regulations (IRR) na inilabas ng CHED ang sinasabing libreng edukasyon. Marami pa ring estudyante ang hindi nakakatamasa ng libreng matrikula. Katunayan may ilang SUCs ang mas mahal pa ang other school fees na hindi sakop ng RA 10931.

Pinuna nila ang iba’t ibang probisyon sa IRR na naglilimita at nagpapasinungaling sa libreng edukasyong ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte. Kabilang sa mga ito ang Section 3 ng IRR na hindi pinipigilan ng RA 10931 na magkaroon ng other school fees ang SUCs kung hindi ito maipapangalan na other school fees. Ibig sabihin, hindi pinipigilan ng CHED na maghanda ng mga panibagong “creative other fees” na babayaran ng mga estudyante.

“Karanasan natin, halimbawa, ang developmental fee iniiba lang ang pangalan. Ginagawang building fee or di kaya capital fee,” ayon kay Kabataan Rep. Sarah Elago.

Sa Section 4 naman o sa return of service, maaaring maging “pera-pera” ang kalakaran. Layunin nitong magserbisyo sa bansa ang mabibiyayaan ng libreng matrikula. Maganda sana ang intensiyon. Pero sa karanasan, nagbabayad na lang ang ibang estudyante imbes na sundin ito at kalaunan gawing pagkakitaan ng mga pamantasan.

Sa Section 19 naman o ang student voluntary mechanism, hinahayaan ang mga estudyante na may kapasidad na makapagbayad. Kailangang maging mapagmasid umano dito dahil maaaring magkaroon ng hindi pantay na pagbibigay ng serbisyo sa mga estudyante na kayang magbayad at sa mga kumukuha ng libreng edukasyon.

Sumunod dito ang section 38.2 o ang enrolment capacity. Kailangang bantayan umano ito dahil maaari nilang limitahan na lang ang estudyante dahil sa libre na ang edukasyon. Kailangang bantayan ang implementasyon nito kung paano tatanggap ang SUCs ng kanilang estudyante at maaaring piliin na lang ang mga may kakayahang magbayad.

Ayon sa pag-aaral ng Agham youth, kakailanganin lamang umano ng P97.5- Bilyong pondo para sa libreng edukasyon sa susunod na academic year. Sa nakaraang taon, nakapagbigay sila ng P62.1 Bilyon at kung titignan, kakailanganin na lamang P35.5-B kung ganoon din ang ibibigay nilang pondo.

Pagpapakita ng walang pagbabago

Wala pa rin sa mga ibinida at ipinangako ng K-to-12 program na ipinagpatuloy ng administrasyong Duterte ang nagkatotoo. Kahit ang pangakong magbibigay ito ng trabaho, malabo din.

Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) mahihirapang makapasok sa mga kompanya ang mga magsisipagtapos sa K-to-12 dahil sa ‘hilaw’ pa ang mga ito para sa trabaho.

Partikular na tinutukoy ang kakulangan sa oras ng on-the-job-training ng mga magsisipagtapos sa K-to-12. Sa kabila ito nang paghayag ng PCCI at iba pang grupo ng mga negosyante noong una na susuportahan nila ang mga magsisipagtapos dito.

Hindi ito kataka-taka, dahil sa unang taon nang implementasyon nito, pinuna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na minadali ang programa ng K-to-12 na maging ang pagsasanay sa mga guro ay minadali at kulang-kulang ang kagamitan sa pagtuturo para sa nasabing programa.

Para naman sa League of Filipino Students (LFS), gusto lamang itago ng gobyerno na walang trabaho sa loob ng bansa kahit anong antas ang natapos ng kabataan at mapipilitan na dumagdag sa malaking bilang ng mamamayan na walang trabaho o naghahanap ng trabaho. Napipilitan ding pumasok sa mga paggawaan na kontraktuwal, mababang pasahod o di kaya’y mangibang bayan.

“Ang hinaing ng kabataan, ang K-to-12 ay walang ginawa kundi pageksperimentuhan sila. Walang ibang ginawa ang K-to-12 kundi mangako nang mangako pero walang ipatutupad na pangako,” ayon kay Kara Taggaoa, tapagsalita ng LFS.

Hindi sasapat kahit ang bilyun-bilyong pisong voucher system mismo ng gobyerno na nagpayaman lang lalo sa pribadong mga paaralan. Dahil ito sa taas din ng gastusin sa pribadong mga pamantasan gaya ng gastusin sa mga libro, uniporme, at iba pang bayarin na di hamak na mas mahal kumapara sa publikong mga paaralan.

Dahil sa implementasyon ng Train Law, inaasahang higit itong papasanin at magpapahirap sa mga mahihirap na mamamayan dahil sa mga dagdag gastusin.

Kinakaharap pa rin ng mga mag-aaral ang taun-taong isinasalubong sa kanilang pagpasok ang iba’t ibang kakulangan at kabulukan sa mga paaralan gaya ng klasrum, upuan, palikuran, libro, guro, at iba pa.

Pagkakaisa, pagbangon

Sa kabila ng mga tagumpay sa pagsasabatas ng libreng matrikula para sa kolehiyo, hindi pa rin natatapos ang paglaban ng kabataan at mga mamamayan sa pagtamasa ng karapatan sa edukasyon ng mga Pilipino.

Sa patuloy na pagharap ng kabataan at mamamayan sa mga balakid sa pagkakamit ng libre at dekalidad na edukasyon kasabay ng dagdag na mga pasakit na dulot ng Train law, nagkakaisa naman ang iba’t ibang sektor.

Sa Hunyo 19, gaganapin ang Rise for Education National Summit sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman upang pag usapan at maglatag ng mga kampanya at laban para sa sektor ng edukasyon.

“Napapanahon na para sa gobyerno na iatras ang mga polisiyang ito na naglalayo sa milyong mga Pilipino sa mga paaralan at punuan ang Konstitusyunal na obligasyon nito na siguruhin na ang kalidad na edukasyon ay natatamasa sa lahat ng antas,” ayon kay Lim.

#SONA2018 |‘Malagong’ ekonomiya, naghihirap na masa

$
0
0

Madalas ipagmalaki ng nakalipas na mga Pangulo ang sinasabing economic growth ng kanilang administrasyon lalo na tuwing ihahayag niya ang State of the Nation Address (SONA). Hindi kaiba ang administrasyong Duterte nang maitala nito ang sinasabing 6.8 porsiyentong “paglago” sa ekonomiya ng Pilipinas sa unang kuwatro ng 2018.

Pero ramdam ng mga mamamayang Pilipino mula noon hanggang ngayon na hindi para sa kanila ang sinasabing pag-unlad sa ekonomiya. Sa kasalukuyan, ramdam nila ang bigat ng taas-presyo ng langis, kasabay ng taas-presyo ng bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, pagtaas ng pasahe, at pagbagsak ng halaga ng piso na nasa P53.52 nitong Hunyo 2018–ang pinakamababang tala sa loob ng 12 taon.

Ekonomiyang umuunlad?

Sinasabing tuluy-tuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas na may taunang 2.0 porsiyentong average na pagtaas sa gross domestic product (GDP) noong 1980s, nasa 2.8 porsiyento noong 1990s, 4.5 porsiyento noong 2000s, at 6.4 porsiyento mula 2010 hanggang 2017.

Pero wala sa mga ito ang tunay na nagpaunlad sa kalagayan ng mga Pilipino. Lalo na kung titignan ang lagay ng empleyo sa Pilipinas.

Isa sa sukatan ng pag-unlad ng ekonomiya ang paglikha ng sapat na trabaho at kabuhayan sa lumalaking populasyon. Kasama na rito ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at seguridad sa trabaho. Wala sa mga ito ang nangyayari sa kasalukuyan. Bagkus, lalo pa itong lumalala.

Nitong nakaraang taon, lumago ang ekonomiya nang 6.7 porsiyento. Pero nasa 663,000 trabaho ang nawala. Hindi lang hindi nakalikha ng trabaho ang ekonomiya, kundi mayroon pang aktuwal na daang libong walang trabaho. Ito ang pinakamalaking tapyas sa trabaho sa loob ng 20 taon mula 1997, sabi ng Ibon Foundation.

Hindi rin nagpapakita ng matibay na pundasyon ang nalikhang trabaho. Nasa konstruksiyon ang 465,000 naidagdag na trabaho at nasa 260,000 naman ang nalikha sa pampublikong sektor na siyang bumubuo sa di-bababa sa kalahating nalikhang trabaho. Pero panandaliang lang ang trabaho sa konstruksiyon at hindi sinyales ng matatag na ekonomiya ang dagdag-trabaho sa pampublikong sektor na kadalasa’y dulot ng patronage politics.

Inaasahan din maging ng National Economic and Development Authority ang taunang pagbagal sa industriya ng business process outsourcing o BPO pagdating ng 2022.

Mababang sahod

Samantala, nananatiling mababa ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa nasa nasa P512 ang minimum sa National Capital Region na nasa P447.94 lang ang tunay na halaga. Higit na mas mababa pa ang natatanggap ng mga nasa rehiyon.

Walang kongkretong hakbang na ginagawa ang administrasyong Duterte para tuluyang matigil ang kontraktuwalisasyon. Sa kabila ito ng paglabas ng Department Order 174 ng Department of Labor and Employment at Executive Order No. 54 ni Duterte na pawang walang pangil. Sa listahang inilabas ng DOLE ng mga kompanyang lumalabag sa labor-only contracting (LOC), pinuna ng iba’t ibang grupo bakit wala rito ang mga kompanya ni Henry Sy tulad ng SM.

Matatandaang itinuturing ng mga grupong maka-manggagawa si Sy bilang “contractual king” dahil sa dami at lawak ng paggamit niya ng kontraktuwal na paggawa sa kanyang mga negosyo lalo na sa SM malls. Matatandaan ding naging malapit ang rehimeng Duterte sa mga Sy—na sumasama pa sa mga biyahe ni Duterte sa China noong nakaraang taon.

Di rin maganda ang ipinakikita ng sektor ng agrikultura kung saan matatagpuan ang mayorya ng mahihirap. Nasa 803,000 trabaho ang nawala noong 2017, samantalang sa huling datos nitong Abril 2018, nasa 723,000 ang nawala, ayon sa Ibon.

Ito ang dahilan kung bakit paparaming Pilipino ang sapilitang nangingibang-bayan at iniiwan ang kani-kanilang pamilya. Noong 2016, nasa 2.1 milyong Pilipino o 5,771 kada araw ang umalis ng bansa at nasa 2 milyon naman o 5,460 kada araw noong 2017. Sa huling anim na taon, mas maraming Pilipino ang umaalis ng bansa kumpara sa bagong trabahong nalilikha ng lokal na ekonomiya.

Imprastraktura, lumulobong utang

Ang ipinagmamalaking programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte ang sinasabing magiging daan para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa. Pero kinukuwestiyon ang karamihan sa mga imprastraktura na ito ang hindi nakasentro sa mahihirap na rehiyon.

Ayon sa Ibon, bagamat may malaking puwang pagdating sa imprastraktura, hindi sapat na magtatayo lang ng mga ito na walang malaking estratehikong plano para paunlarin ang agrikultura at pambansang industriya.

Laging agresibo ang gobyerno padating sa pagpapaunlad ng imprastraktura para mag-enganyo ng dayuhang mga mamumuhunan. Mabilis ang pagtaas ng paggasta ng gobyerno para sa mga imprastraktura sa nakalipas na mga taon. Tumaas ito mula 1.8 porsiyento ng GDP noong 2011 tungong 5.1 porsiyento noong 2016, at 5.4 porsiyento noong 2017. Target itong pataasin nang 7.3 porsiyento sa 2022 sa ilalim ng Build, Build, Build.

Kaya naman malaking negosyo para pagkakitaan ang mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno na magbubukas ng mga proyekto para sa mga dayuhan at pribadong kapital.

Kasabay nito ang paglobo ng utang ng Pilipinas na nasa P6.83-Trilyon nitong Mayo 2018 mula P5.95-T noong Hunyo 2016. Nangangahulugan na nasa P38.5-Bilyon kada buwan ang pagtaas ng utang sa ilalim ni Duterte na higit na doble kumpara sa nakalipas na administrasyon.

Tugon ng bayan

Inaasahang sa State of the Nation Address ni Duterte’y ipagmamalaki ang paglago ng ekonomiya at mga programa para rito. Tulad ng naunang mga administrasyon, walang binago si Duterte sa ekonomiyang sumusunod sa neoliberal na mga polisiyang dikta ng mga dayuhang monopolyo-kapitalistang kumokontrol ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas.

Para sa Ibon, tiyak na walang ibang ibubunga ito kundi lalong pagmonopolyo ng iilan sa yaman at ibayong kahirapan sa karamihan.

Pero tulad ng dikta ng kasaysayan ng mga mamamayan, hindi mapipigilan ng anumang panunupil ng Estado ang kanilang paglaban para sa karapatan na magkaroon ng ekonomiyang tunay na tutugon sa pangangailangan ng bayan at kapakinabangan ng lahat.

Pagligtas sa mga batang Lumad at ang gawa-gawang mga kaso

$
0
0

Sinadya ang pagaresto at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga nagsagawa ng rescue operation para sa mga batang Lumad.

Ito ang naging pahayag ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at ACT Teachers Rep. France Castro sa isang press conference sa Quezon City sa nangyaring pag-aresto at pagkulong sa kanila ng mga pulis noong Nobyembre 28 sa Talaingod, Davao del Norte.

Inaresto at ikinulong sina Ocampo at 17 pa niyang kasamahan dahil sa isinagawang pagsagip sa mga mag-aaral ng Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI) sa Dulyan, Palma Gil Village, Talaingod, Davao del Norte dahil sa sapilitang pagsasara ng paramilitar na grupong Alamara. Pansamantalang nakalaya sina Ocampo matapos magpiyansa ng aabot sa P1.5 milyong piso.

Pagligtas hindi pagkidnap

Nagtungo sina Ocampo at Castro para sa isang National Solidarity Mission dahil sa ulat ng presensya ng grupong paramilitar at walang pinahihintulutang pumasok na pagkain at tulong sa nasabing lugar sa loob ng tatlong lingo.

“Ang kuwento ng teacher sa amin, napilitan silang umalis dahil talagang matindi na ang pananakot sa kanila. May mga ilang paramilitary group na tinatakot na sila na kapag di sila umalis sa araw na iyon may mangyayari sa mga guro. Kaya umalis sila at sumama ang mga Pagligtas sa mga batang Lumad at ang gawa-gawang mga kaso Sinampahan ng gawa-gawang mga kaso sa pagtulong sa mga magaaral ng Salugpongan sina Ocampo. Pero nakahanda silang harapin ito at mapagtagumpayan. Ni Pher Pasion estudyante,” ayon kay Castro.

Iginiit nila Ocampo na hindi pagkidnap ang nangyari kundi aktwal na pagsagip sa mga mag-aaral at guro ng nasabing alternatibong eskwelahan dahil sa panghaharas at pananakot ng Alamara. Sinasabi kasi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na eskuwelahan daw ito ng mga rebeldeng New People’s Army.

Kinatakot ng mga guro at mag-aaral ang nasabing banta dahil sa nangyaring pamamaslang sa Executive Director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) na si Emerito Samarca at dalawa pa noong Setyembre 1, 2015. Itinuturong mga salarin dito ang isa pang paramilitar na grupo ng AFP na Magahat-Bagani.

Ayon sa mga pulis, sinasabing may mga magulang umano na nagreklamo na isinama nila Ocampo ang mga bata na walang pahintulot ng mga magulang. Pero para kay Castro, kasama nila ang mga guro ng mga mag-aaral at umaksyon sila sa isang agarang sitwasyon para mailigtas ang mga ito sa isang tiyak na kapahamakan.

“Ang mga eskwelahan gaya ng Salungpungan ay isang boarding school. Sa umpisa pa lamang ng school year mayroon nang pinipirmahan ang magulang at guro na kasunduan na ang parental consent ay bibinibigay na sa mga guro. Emergency rescue operation iyon, wala nang oras, at that day of emergency, kailangan na naming rumesponde doon,” ayon kay Castro.

Pinlano, sistematikong pandarahas

Sa salaysay ni Ocampo, nagtungo sila sa lugar at humingi ng pahintulot sa lokal na gobyerno pero hindi nila nakaharap ang gobernador. Nagtungo din sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development para sa nasabing misyon pero paligoy-ligoy at hindi makapagbigay ng kooperasyon. Ito ang dahilan kung bakit sila ginabi hanggang sa dumating na ang balita na sinara na ang eskwelahan.

“Umalis na yung mga bata at teachers, naglalakad na sila sa highway at madilim na. Tapos nagkaroon ng communication ang mga teacher sa Salugpungan, humihingi sila ng tulong. Quick reaction, inorganize para i-rescue o salubungin ang mga teacher at bata,” ayon kay Ocampo.

Pagtungo nila sa lugar, hinarang sila ng checkpoint ng mga militar, nakipagnegosasyon at pinahintulutan silang makapunta sa pakay nilang lugar kaya nila nasalubong at nakuha ang mga guro at mga mag-aaral. Sa kanilang pagbalik, sinadyang lagyan ng pako ang kanilang daraanan para ma-flat ang kanilang gulong at pinagbabato ang kanilang sasakyan.

Nagpasya silang pumunta sa presinto para ipa-blotter na ang nangyari sa kanila. Pagdating sa presinto, idinukumento sila at kasamahan nilang mga bata. Inabot ito ng alas-3 ng madaling araw. Aalis na sana sina Ocampo pero hindi sila pinayagan ng mga pulis dahil umano sa seguridad sa daan at sinabihan silang magpaumaga na. Pumayag sina Ocampo dahil risonable naman ang sinabing dahilan. Pero kinaumagahan, hindi pa rin sila pinayagang umalis. Pagdating ang mga opisyal ng pulis, sinasabing inaaresto na sila sa salang “kidnapping” at “human trafficking”.

“Napaka-arbitrary ang ginawa sa amin na illegal detention at warrantless arrest at hindi man lang pinakinggan ang aming panig,” ayon kay Castro.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Kaloi Zarate, hanggang sa pansamantalang paglaya nila Ocampo tinangka pang gipitin ito ng mga pulis. Kinwestiyon pa umano ng mga pulis at militar at ayaw nilang sumunod noong una sa utos ng korte at pinalibutan ang buong court room. Ikinagalit ito ng hukom, ayon kay Zarate.

“Ipinapakita talaga ng PNP at militar, ang Mindanaw ay nasa ilalim ng martial law. Parang mas mataas pa sila sa proseso ng korte na kaya nilang suwayin kahit lehitimong kautusan mula sa korte at maaari din nilang labagin ang karapatan ng respondents,” ayon kay Zarate.

Pinangako ni Zarate na sasampahan din nila ng kaso ang mga may pakana sa nangyari kina Ocampo. Nais din ni Castro na mabuksan muli ang mga alternatibong paaralan dahil wala umanong nilalabag ang mga ito. Sa katunayan, magagaling ang mga mag-aaral sa mga nasabing eskwelahan. Sa halos 200 paaralang Lumad meron ang Mindanaw, 58 dito ang naipasara na nang walang anumang dahilan.

Tunay na pakay 

Hindi na bago para kay Bayan Muna Rep. Kaloi Zarate ang mga paninira sa mga paaralang Lumad at ang mga pandarahas gaya ng kinakaharap ngayon nila Ocampo. Ayon kay Zarate, ang ginagawang panghaharas at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso kina Ocampo ay pagtatakip lamang sa tunay na mga isyu na kinakaharap ng Lumad. Nariyan ang pagpapaalis sa kanila para bigyang daan ang mga dayuhang minahan at monocrop plantations sa kanilang lupaing ninuno.

“Usapin ito ng kapabayaan ng gobyerno at usapin ito ng paggiit ng Lumad ng kanilang karapatan na sinasagasaan ng administrasyong Duterte dahil sa pilit na pagpapasara ng mga Lumad school sa Mindanaw,” ayon kay Zarate.

Dagdag pa ni Zarate, dahil sa pagkakaalam ng Lumad sa kanilang karapatan dahil sa edukasyon nagiging banta ang mga paaralang ito sa mga plano ng gobyerno para sa yaman ng kanilang lupain. Kaya naman, imbes na tugunan umano ng gobyerno ang kakulangan nito, mas pinag-aaway-away ang Lumad sa Mindanaw. Nariyaan na nagiging bahagi ng mga paramilitar at nirerecruit ng militar para maging CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) ang ibang Lumad.

Sa kabila ng kanilang pansamantalang paglaya, hindi pa tapos ang laban nila Ocampo. Pero nakahanda silang harapin at pagtagumpayan ang mga binibintang sa kanila at ipaglabang mabuksan muli ang mga alternatibong paaralan ng Lumad.


Tiraniya vs kapayapaan

$
0
0

Tinuldukan na raw ni Pangulong Duterte sa huling pagkakataon ang usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan. Samantala, pinalawig na niya ang mga operasyong militar sa buong bansa sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 32.

Sa utos ni Duterte, inilabas ni Executive Sec. Salvador Medialdea ang nasabing kautusan na naglalayong magdagdag ng karagdagang armadong tropa sa iba’t ibang probinsiya gaya ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental, at sa rehiyon ng Bikol para sugpuin umano ang mga karahasan.

MO No. 32, pambansang batas militar

Ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao, isang galawang diktador at terorista ang nasabing MO No. 32.

“Ang pagsasailalim ng mga nasabing probinsiya at rehiyon sa ilalim ng state of national emergency base sa mga kuwestiyunableng mga ulat ng mga “karahasan” ay tatak ng galawang diktador, isa sa mga ginagamit ng mga desperadong rehimen gaya ng kay Duterte upang bigyang katuwiran ang pamamaslang, ilegal na pag-aresto at pagkulong, torture, ilegal na paghahalughog, at iba pang krimen na gawa ng Estado laban sa mga mamamayan,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Dahil sa MO No. 32, inaamin rin umano ni Duterte na malakas ang NPA hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa taliwas sa sinasabi ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na malapit na nilang masugpo ang NPA. Sa katunayan, wala ni isang larangang gerilya sa Mindanaw ang nawasak sa kabila ng deployment ng 75 sa 98 batalyon ng AFP, ayon kay Jose Maria Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Para kay Sison, ang MO No. 32 ay preparasyon para sa pambansang proklamasyon ng batas militar, pananabotahe sa eleksiyong 2019, Charter Change para sa bogus na pederalismo, at pagtatayo ng isang pasistang diktadura gaya ng kay Marcos.

Ayon naman kay Teddy Casiño ng Movement Against Tyranny, ang solusyon ni Duterte sa kahirapan, kawalang pagkakapantaypantay, underdevelopment, at korupsiyon ay hindi lang simpleng pagpapanatili ng kasalukuyang sistema kundi pagpapalala ng kalagayan sa pamamagitan ng paniniil at pagtulak sa diktadura.

“Ang tiraniya ni Duterte ay hindi lamang simpleng pagkakaroon ni Duterte ng reaksiyonaryo at pasistang pag-iisip; hindi rin dahil lang mayroon din parehong pagiisip ang AFP at PNP. Ito ay tungkol din sa gobyerno na bigong tugunan ang mga lehitimong pangangailangan ng mga mamamayan nito at ngayo’y nauuwi sa pag-atake sa sarili nitong mamamayan para protektahan ang kasalukuyang sistema,” ani Casiño.

Dahil umano sa hindi alam ni Duterte kung paano makamtan ang kapayapaan sa bansa, ipinatutupad nito ang panunupil at gera sa bayan, diin ni Casiño.

Atake at paglaban

Sa isang pagtitipon na may temang “Clamor for Peace, Defend Human Rights: A gathering calling for the release of detained peace consultants and the resumption of the GRP-NDFP peace talks” na isinagawa sa Quezon City noong Nobyembre 24, inilahad ng mga nagtataguyod ng usapang pangkapayapaan kabilang na ang Pilgrims for Peace, Philippine Peace Center, at Karapatan ang kalagayan ng karapatang pantao sa ilalim ni Duterte.

Mula noong nagpahayag si Duterte ng interes nito para sa usapang pangkapayapaan noong 2016, marami na sanang signipikanteng tagumpay ang naisulong sa pag-uusap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) lalo’t higit umano noong ikatlong round nito. Dito binigyang daan ang pagkakaroon ng pagkakasundo sa lalamanin o common draft para sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon na laman ng Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms (Caser) na sasagot sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa.

Pero marami ring sinayang ang pag-atras ni Duterte sa usapang pangkapayapaan. Bago pa man ang pormal na terminasyon ni Duterte sa usapang pangkapayapaan noong Nobyembre 23, 2017 sa pamamagitan ng Proclamation 360 at pagdeklara sa CPP-NPA bilang “teroristang grupo” noong Disyembre 5, 2017, hindi natigil ang atake ng Estado sa mga itinuturing na kalaban nito maging ang legal na mga organisasyong masa. Ibinilang din ang pinalayang peace consultants ng NDFP bilang mga opisyal umano ng CPP-NPA, kasama pa ng iba pang 600 indibidwal na walang pagkakakilanlan, na ipinadedeklarang “terorista.”

Maliban sa hindi pagtupad ni Duterte na palalayain ang mahigit 400 bilanggong politikal sa bansa, nagpatuloy ang pag-aresto at pagdukot sa mga aktibista at sinasampahan ng gawa-gawang mga kaso. Kabilang sa mga inaresto nitong huli ang mga kasapi ng NDFP negotiating panel na sina Rafael Baylosis nitong Enero, si Adelberto Silva at apat na kasamahan nito na hinuli sa Laguna nitong Oktubre 15, gayundin si Vic Ladlad na inaresto nitong Nobyembre 8 sa Novaliches, Quezon City.

Para sa mga kaanak at abogado ng mga hinuling consultant, malinaw na itinanim lamang umano ang mga ebidensya gaya ng kay Ladlad na kinakitaan umano ng malalakas ng kalibre ng baril gaya ng M16 at AK-47 na riple na may bayoneta at mga granada na imposible niyang madala dahil sa kaniyang pisikal na pangangatawan at edad.

“Sila (ang peace consultants) po ay patuloy na nag-aambag upang ang ating pamahalaan ay patuloy na maging maka-mamamayan, maka-Pilipino at sinisikap tugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa ating bansa. Kung tatanggalin po natin ang mga gawa-gawang kaso sa kanila, sila po ba ay sangkot sa extrajudicial killings dito sa war on drugs? Sila po ba ay sangkot sa mga malalaking kaso korupsiyon sa bansa? Ano pong krimen ang nagawa nila para makatanggap ng ganitong pagtrato sa pamahalaan? Wala po,” ayon kay Rachel Pastores, abogado ng mga bilanggong politikal.

Ayon naman kay Sharon Cabusao, dating bilanggong pulitikal at asawa ni  Silva, kahit na nasa kulungan ang mga bilanggong politikal, patuloy nilang pinag-uusapan at inaaral ang pulitikal na sitwasyon sa bansa. Hindi natatapos ang kanilang mga gawain sa likod ng mga rehas.

Naganap din ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanaw na nagresulta sa iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang pantao at gayundin ang masaker sa Sagay (sa Negros) na kumitil sa buhay ng siyam na magsasaka.

Pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan

Isang palaisipan para kay Sison, kung anong klase presidente meron ang Pilipinas. Dahil ito sa naging pahayag ni Pangulong Duterte nitong Nobyembre 22 sa Tanza, Cavite na hinihikayat ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na bigyan siya ng huling kasunduang pangkapayapaan o final peace agreement na kaniyang pipirmahan pero kailangan muna niyang ipaaprubahan sa militar at pulisya.

Sa sinabing ito ni Duterte, kaniya umanong ipinakita kung gaano siya katakot sa militar at pulis kahit na siya ang commander-inchief. Na tila ang kaniyang otoridad bilang isang lider ay mas mababa kumpara sa otoridad ng military at pulis. Ipinakikita rin umano nito na walang alam si Duterte o ipinakikita nyang wala siyang alam sa proseso ng usapang pangkapayapaan.

Ipinakikita nito kung sino ang totoong seryoso sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP na kumakatawan sa CPP at sa armadong lakas nito na New People’s Army at sa Gobyerno ng Pilipinas.

Ayon kay Casiño, para sa gobyerno ng Pilipinas ang peace talks ay isa lamang paraan para pahintuin, disarmahan, at pasukuin ang rebolusyonaryong kilusan. Tulad umano ng nakaraang administrasyon, ang habol lamang ay pagsuko at pagwasak ng NPA.

“Hindi totoo na umaatras o umaayaw ang NDFP sa ceasefire. Hindi totoo na magkakaroon ng Caser bago magkaroon ng interim ceasefire. Dapat magkasabay iyon. Hindi puwedeng precondition ngayon ang pagtigil sa atake (ng NPA) at pagtigil sa revolutionary taxes,” ayon kay Rey Casambre ng Philippine Peace Center.

Babala ng iba’t ibang grupo na ang nasabing Memorandum Order No. 32 ang daan sa pagsasailalim ng buong bansa sa batas militar at magluluwal sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao gaya ng nangyayari ngayon sa Mindanaw at noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Pero sa kabila ng mga pag-atake sa karapatan ng mga mamayan at hindi pagtupad ng gobyerno mga una nitong pangako, nananatili pa ring panawagan ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan dahil ang mga naunang napagtagumpayan sa dito gaya ng sa Caser ay marapat pa ring ipagpatuloy kasabay ng paglaban sa dahas ng Estado.

Viewing all 56 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>